Hindi mo makikilala ang Diyos sa kapunuan niya hanggang sa makita mo si Jesus sa paraang nais niya na makita mo siya. Sinabi ni Jesus, “Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama” (Juan 14:9). Kailangang makita natin si Jesus hindi ayon sa itinuturo sa atin, kundi kung paano siya ipinahahayag ng Espiritu sa atin, sa paraang nais ng Diyos na makilala at makita natin siya.
Maraming aklat sa aking silid aklatan tungkol kay Jesus, isinulat ng mahuhusay at mabubuting kalalakihan. Gayunman, naniniwala ako na marami sa mga lalaking ito ay hindi pa nakita si Jesus ayon sa nais ng Diyos na makita siya. Kailangan natin na makuha ang pangitain ng Diyos at ang patotoo ni Cristo, sa gayon makikilala natin ang Diyos ayon sa nais niya na makilala natin siya. Narito kung paano ayon sa aking paniniwala kung paano nais ng Diyos na makita natin ang kanyang Anak: “Ang lahat na mabuti at ganap na kaloob ay buhat sa Diyos, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nagbabago, o nagpapakita ng bahagya mang pagbabago” (Santiago 1:17).
Si Jesus ay isang handog! Ibinalot ng Diyos ang lahat ng kanyang pagkukunan para kay Jesus, “at ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak.” Si Cristo ay isang ganap at dalisay na handog ng Diyos para sa atin, nanggaling mula sa Ama. Nakikita mo ba si Jesus bilang ganap na handog para sa iyo? Nakikita mo ba siya bilang siya lamang na natatanging kailangan para mabuhay ng may kagalakan, tagumpay, nasa katuwiran, puno ng kapayapaan at kapahingahan?
Sa Lumang Tipan, binigyan ng Diyos ng maraming kahanga-hangang handog ang Israel sa ilang: Isang ulap para takpan sila sa init ng araw sa desyerto. Apoy sa gabi para siguruhin ang tamang landas na patutunguhan nila. Tubig mula sa bato. Isang sanga para maalis ang pait na tubig. Isang tansong ahas para pagalingin ang natuklaw ng ahas. Gayunman ang lahat ng handog na ito ay mga anino lamang.
Sino ang bato na pinanggalingan ng tubig? Sino ang apoy? Ang biyaya? Ang tansong ahas? Ang lahat ng ginawa ng Diyos para sa Israel ay sa pamamagitan ni Jesus. Tama—si Jesus ang lahat ng bawat handog na iyon. “at uminom din ng isang inuming espirituwal, sapagkat uminom sila sa batong espirituwal na sumusubaybay sa kanila, at ang batong iyon ay si Cristo” (1 Corinto 10:1-4).
Ngayon mayroon tayo ng higit pa sa anino. Mayroon tayo ng tunay na sustansya—si Cristo mismo! At siya ay nananahan sa atin!