Lunes, Oktubre 11, 2010

ANG LALIM NG PAG-IBIG NG DIYOS

Sinabi ni Pablo tungkol sa pag-ibig ng Diyos: ito ay malawak, malapad, matayog at malalim. Nais kong tumuon sa lalim ng pag-ibig niya.

“Na si Cristo ay manahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya; upang kung kayo'y mag-ugat at magtumibay sa pagibig. Ay lumakas upang matalastas pati ng lahat ng mga banal kung ano ang luwang at ang haba at ang taas at lalim, At makilala ang pagibig ni Cristo na di masayod ng kaalaman, upang kayo'y mangapuspos hanggang sa buong kapuspusan ng Diyos. Ngayon sa makapangyarihang gumawa ng lubhang sagana ng higit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin” (Efeso 3:17-20).

Kamakailan patuloy akong nakakatanggap ng mga liham (e-mail) mula sa mga Kristiyanong nagbalik sa dating makasalanang gawi na bumabalik na muli sa una nilang pag-ibig. Ang isa ay sumulat, “Ako’y pinatawad; iniibig ko ang Panginoon. Ngunit namuhay ako ng maraming taon sa matinding pagkakasala. Ngayon ako ay muling nagbabalik, ngunit hindi ko matanggap ang aking kapatawaran. Natatakot ako na hindi ako mapapatawad ng Diyos sa mga hindi masambit na mga kasalanan kong nagawa—nakaririmarim na mga kasalanan. Wala akong kapayapaan. Hindi ko madama ang presensiya ng Panginoon.” Ang isa ay sumulat din ng, “Ako ay nagkasala ng mga kahindik-hindik na mga kasalanan. Nais kong bumalik kay Jesus ngunit nadarama ko ang paghamak ng Diyos sa akin. Nagkasala ako laban sa liwanag. Natatakot ako na hindi ako mapatawad. Isa ako sa pinakamasamang makasalanan.”

Ang mga nanumbalik sa kasalanan ay niyuyugyog. Marami ay muling nagbalikan. Sila ay pagod nang malulong sa mga ipinagbabawal na droga, alak, kamunduhan; pagod na sa sanlibutan. Narinig ko ito, “ Ako ay nahulog sa imoralidad, sa lalim ng malapot na mga kasalanan.” Ito ay para bang ang Diyos ay may guhit sa pag-itan—limitasyon sa kanyang pag-ibig at kahabagan—para bang mayroong punto na kung saan ay sinasabi niya, “Madalas mo akong hinahamon at ginagalit. Tinanggihan mo ang lahat ng aking panawagan—lahat nga aking mga babala. At ngayon ikaw ay lumampas sa guhit. Ang puso ay matigas at malamig. Si Satanas ay may mahigpit na paghawak sa iyong puso.”

Naniniwala ako na marami sa mga nalihis at muling nanumbalik sa kasalanan ay lubhang naguguluhan at napapahiya o maaring kumbinsido na nawala na sa kanila ang grasyang kapatawaran. Hindi nila maisip na ang Panginoon ay aabutin ang lalim ng kanilang makasalanang kalagayan na may pag-ibig at habag.

Si Jonas ay mabigat na nagkasala, sinadyang lumayo sa kasunduan nila ng Diyos. Ang kanyang hindi pagsunod ay maglalagay sa kapahamakan ng nakararami sa kanyang mga kamay. Sa loob ng tiyan ng balyena, nandoon ang Diyos sa kanyang pinakamalalim na kasalanan at pagrerebelde. Naniwala si Jonas na pinabayaan na siya ng Diyos dahil sa kanyang kasalanan. “Sapagka't inihagis mo ako sa kalaliman... Ang kalaliman ay nasa palibot ko… Ako'y bumaba sa mga kaibaibabaan ng mga bundok… Ang lupa sangpu ng kaniyang halang ay tumakip sa akin magpakailan man… Nang ang aking kaluluwa ay nanglupaypay sa loob ko” (Jonas 2:3-7). Nang mapunta siya sa pinakamalalim—nakatanggap siya ng sariwang paghipo, isang natatanging pagtawag. Siya ay pinatawad at iniligtas. Ito ay nagpapatunay na ang Espiritu Santo ay kumikilos sa lalim ng ating mga kasalanan. Walang sinuman ang ganap na mapapalayo; walang sinuman ang itinatapon. Ang Espiritu Santo ay patuloy na binabantayan ang marami, nagsasabing, “Magsisi kayo, ako ay nasa kailaliman ng inyong sagad na kalagayan para muli kayong ibalik.”

Walang anuman ang maaring makapaghiwalay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos. Wala! “Sino ang maghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? ang kapighatian, o ang kahapisan, o ang paguusig, o ang kagutuman, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak?, Hindi, kundi sa lahat ng mga bagay na ito tayo'y higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niyaong sa atin ay umibig. Sapagka't ako'y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamunuan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating, kahit ang mga kapangyarihan, Kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alin mang ibang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Diyos, na nasa kay Cristo Jesus na Panginoon natin. (Roma 8:35, 37-39).

Ang dugo ni Jesus ay inaabot ang kailaliman ng kasalanan, nag-aalok ng kalayaan, kapatawaran, kahabagan at muling pakikipagkasundo sa Ama. Gaano man kalalim ang iyong kinahulugan, ang pag-ibig at kapatawaran ay patuloy ding lumalalim.

O, ang lalim ng kaniyang pag-ibig!