Biyernes, Oktubre 1, 2010

PAGKILALA SA DIYOS

Ako’y may sasabihing nakagugulat na pahayag, at tinitiyak ko ang salita nito: Hindi ko talaga kilala ang Diyos! Iyan ay, hindi ko siya kilala sa paraang ibig niyang makilala ko siya.

Paano ko alam ito? Sinabi ng Espiritu Santo sa akin. Ibinulong niya sa akin, may pagmamahal, “David, hindi mo talaga kilala ang Diyos sa paraan na ibig niyang makilala mo siya. Hindi mo talaga hinayaang maging Diyos siya sa iyo.”

Sa Lumang Tipan, nagsama ng mga tao ang Diyos—mga tao na hindi mas mayaman o mas matalino kaysa sa iba—dahil lamang para maging Diyos siya sa kanila: “Aampunin ko kayo mga Israelita at ako ang magiging Diyos ninyo” (Exodo 6:7). Sinasabi ng Diyos, sa ibang salita, “Tutruan ko kayong maging mga tao ko—para maging Diyos ninyo ako!”

Katunayan, ipinahayag ng Diyos at ipinakita niya ang sarili niya sa kanyang mga tao ng paulit-ulit. Nagpadala siya ng mga anghel. Kinausap niya sila ng malakas. Tinupad niya ang bawat pangako ng may dakilang pagliligtas. Gayunpaman, pagkatapos ng apatnapung taon ng paghihimala, mga senyales at kababalaghan, ang pagkakatuos ng Diyos sa kanyang mga tao ay: “Hindi ninyo ako kilala—hindi ninyo alam ang aking mga gawi!”

“Apatnapung taon, sa inyong ninuno ako ay nagdamdam, ang aking sinabi, “Sila ay suwail, walang pakundangan at ang mga utos ko ay sinusuway!’ (Awit 95:10). Sinabi ng Diyos “Sa lahat ng ito hindi ninyo ako hinayaang maging Diyos! Sa apatnapung taon ng pagnanais ko na turuan kayo, hindi ninyo pa rin ako kilala—hindi ninyo pa rin alam kung paano ako kumilos!”

Ang Diyos ay patuloy pa ring naghahanap ng mga tao na hahayaan siyang maging Diyos sa kanila—hanggang sa puntong tunay nila akong kilala at natutunan ang aking mga gawi!

Sinasabi ng Kasulatan tungkol sa Israel “Lagi siyang sinusubok, hindi sila tumitigil, ginagalit nilang lagi itong Banal ng Israel” (Awit 78:41). Ang Israel ay tumalikod sa Diyos sa kawalan ng pananalig. At kahalintulad, naniniwala ako na nililimitahan natin ang Diyos ngayon sa pamamagitan ng ating mga pagdududa at kawalan ng pananalig.

Nagtitiwala tayo sa Diyos sa maraming bahagi ng ating mga buhay—ngunit ang ating pananalig ay laging may hangganan at limitasyon. Mayroon tayong kahit isang maliit na bahagi na ating hinaharangan, na kung saan ay hindi natin talaga pinaniniwalaan na ang Diyos ay magsasagawa para sa atin.

Nililimitahan ko ang Diyos sa bahagi ng pagpapagaling. Nanalangin ako para sa pisikal na pagpapagaling para sa marami, at nakita ko ang Diyos na nagsagawa ng maraming himala. Ngunit pagdating sa sarili kong katawan, nilimitahan ko ang Diyos! Takot ako na hayaan siyang maging Diyos sa akin. Ginagamot ko ang sarili ko o tumatakbo sa manggagamot bago pa man ako manalangin para sa sarili ko! Hindi ko sinasabi na mali ang magpunta sa manggagamot. Ngunit minsan ako ay natutulad sa larawan ng “sa halip na kay Yahweh, sa mga manggagamot siya sumangguni” (2 Cronica 16:12).

Tanong ko sa iyo: Nanalangin ka ba sa Diyos para pabagsakin ang pader ng Tsina o Cuba—ngunit pagdating sa kaligtasan ng iyong sariling pamilya, wala ka ni isang onsa ng pananampalataya? Naisip mo, “Maaring ayaw ng Diyos na gawin ito. Ang mga mahal ko sa buhay ay lubos na matitigas. Maaring di ako naririnig ng Diyos sa bagay na ito.”

Kung ito ay totoo, hindi mo siya nakikita bilang Diyos! Ignorante ka sa kanyang mga gawi! Ang kagustuhan ng Diyos ay, ”Sa Diyos na makagagawa nang higit kaysa lahat ng maari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang naghahari sa atin” (Efeso 3:20).

Ang pitumpung mga nakatatanda sa Israel ay kumain at uminom sa mismong presensiya ng Diyos sa bundok. Gayunpaman, sinabi ng Panginoon sa kanila, “Hindi ninyo pa rin ako nakikilala o nalalaman ang aking mga gawi!”

Ang mga disipulo ay gumugol ng tatlong taon sa presensiya ng Diyos—kasama si Kristo, na Diyos na nagkatawang tao. Nakaupo sila sa kanyang pangangaral at kasama siya gabi’t araw. Gayunman, sa huli, ay tinalikdan nila siya at tumakas—sapagkat hindi nila alam ang kanyang mga gawi!

Sinabi ni Hesus na hindi naririnig ng Diyos ang ating mga dalangin at pagpupuri dahil lamang ito’y sinasambit natin ng paulit-ulit, maraming oras minsan. Maaaring manalangin, mag-ayuno at gumawa ng mabubuting bagay, at hindi pa rin marating ang lugar na kinagugutuman nating makilala siya at simulang maunawaan ang kanyang mga gawi. Hindi natin matututunan ang kanyang mga gawi sa pamamagitan lamang ng lihim na silid, gayunpaman ang lahat na tunay na nakakakilala sa Panginoon ay ganap na malapit sa kanya. Hindi mo malalaman ang mga gawi ng Diyos kung hindi ka gugugol ng maraming oras sa pananalangin sa kanya. Ngunit ang pananalangin ay kailangang may kasamang mahalagang sandali na kung saan ay hahayaan natin siyang maging Diyos sa atin—inihahain ang lahat ng bawat pangangailangan at kahilingan sa kanyang mga kamay at iiwan ito doon.