Miyerkules, Oktubre 27, 2010

ANG PAGLALAGAY NG HANGGANAN SA KAPANGYARIHAN AT PANGAKO NG DIYOS

Sinabi ng Banal na Kasulatan tungkol sa Israel, “ At sila'y nagsibalik uli, at tinukso ang Diyos, at minungkahi ang Banal ng Israel” (Awit 78:41). Tumalikod ang Israel mula sa Diyos sa kawalan ng paniniwala. At katulad noon, naniniwala ako na nilalagyan natin ng hangganan ang Diyos ngayon sa pamamagitan ng ating mga pagdududa at kawalan ng paniniwala.

Nagtitiwala tayo sa Diyos sa malalaking bahagi ng ating buhay, ngunit ang pananampalataya natin ay palaging may hangganan at katapusan. Mayroon sa atin na isang bahagi na ating hinaharangan na kung saan ay hindi talaga tayo naniniwala na gagawin ng Diyos para sa atin.

Halimbawa, maraming mga nagbabasa ay nanalangin sa paggaling ng aking maybahay na si Gwen. Ngunit madalas, kapag ito ay panalangin ng kagalingan para sa kanilang asawa o anak, ay nilalagyan nila ng hangganan ang Diyos. Madalas kong nilalagyan ng hangganan ang Diyos sa bagay na may kinalaman sa paggaling sa karamdaman. Nanalangin ako sa kagalingang pisikal para sa marami, at nakita ko na gumawa ng mga himala ang Diyos sa kanila. Ngunit pagdating sa aking sariling pisikal na katawan ay nilalagyan ko ng hangganan ang Diyos. Natatakot ako na hayaan siyang maging Diyos para sa akin. Umiinom agad ako ng gamot at pupunta agad sa manggagamot bago pa man ako manalangin para dito. Hindi ko sinasabi na mali ang kumunsulta sa manggagamot. Ngunit minsan bagay sa akin ang pagsasalarawan ng mga “gayon ma'y sa kaniyang sakit ay hindi niya hinanap ang Panginoon, kundi ang mga manggagamot” (2 Cronico 16:12).

Tanong ko sayo: Nananalangin ka ba para pabagsakin ang pader ng China o Cuba—ngunit pagdating sa sariling kaligtasan ng iyong pamilya, wala ka isa mang onsa ng pananalig? “Maaring ayaw ng Diyos na gawin ito. Ang mga mahal ko sa buhay ay matitigas. Maaring hindi ako nadidinig ng Diyos tungkol sa bagay na iyo.”

Kung ito ay may katotohanan, hindi mo siya nakikita bilang Diyos. Mangmang ka sa kanyang mga pamamaraan. Ang nais ng Diyos ay, “Ngayon sa makapangyarihang gumawa ng lubhang sagana ng higit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin” (Efeso 3:20).

Sinabi ng Diyos sa akin, “David tinalian mo ang mga kamay ko; iginapos mo ako. Paano kita pagagalingin kung hindi ka naniniwala na pagagalingin kita? Pinipigilan ng iyong pagdududa ang aking pagiging Diyos para sa iyo. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo ako kilala hanggang hindi mo natatanggap na higit kong nais na magbigay kaysa sa tumanggap.”

Patuloy na bumubulong ang Israel, “Kaya ba ng Diyos…? Oo sigurado, binigyang daan niya na makatawid tayo sa Pulang Dagat, ngunit kaya ba niya na magbigay ng pagkain?” binigyan sila ng Diyos ng pagkain. Sa katunayan, naglatag ang Diyos sa kanila sa ilang. “Ngunit kaya ba niya tayong bigyan ng maiinom?” tanong nila. Binigyan sila ng tubig mula sa bato. “Kaya ba niyang magbigay ng karne?” Binigyan sila ng karne mula sa himpapawid. “Ngunit kaya ba niya tayong iligtas mula sa mga kaaway?” Sa bawat panahon, nagbigay ang Diyos at nagligtas sa lahat ng kalagayan. Gayunman, ang mga tao ay umubos ng 40 taon na nagsasabi, “Kaya ba ng Diyos…? Kaya ba ng Diyos…?”

Mga minamahal, higit natin kailangang sabihin, “Kaya ng Diyos! Kaya ng Diyos!” Ginawa na niya—at patuloy niyang gagawin! Kaya ng Diyos at gagawin niya ang lahat ng hihilingin natin at manalig lamang na gagawin niya!