Yaong mga tunay na kilala ang Diyos ay natutunang kilalanin ang kanyang tinig ng higit sa iba pa. Nais niya na kayo ay ganap na naniniwala na nais niya kayong makausap at sabihin sa inyo ang mga bagay na hindi pa ninyo nakikita o narinig man lang.
Ipinakita sa akin ng Panginoon kamakailan lamang na ako ay nag-aalinlangan pa tungkol sa pakikinig ng kanyang tinig na nangungusap sa aking espiritu. Alam ko na siya ay nangungusap at dapat na makilala ng kanyang mga tupa ang tinig ng kanyang Amo. Ngunit nagdududa ako sa aking kakayahan na madinig siya. Ginugol ko ang lahat ng aking panahon na “alamin” ang tinig na nadinig ko at kapag ito ay lubos na malakas at lubhang misteryoso para sa akin, iniisip ko, “Hindi maaring ito ay ang Diyos. Sapagkat ang demonyo ay nakapangungusap din. Ang laman ay nangungusap; ang espiritung nagsisinungaling ay nangungusap din. Madalas maraming tinig ang dumarating sa atin. Paano ko makikilala ang tinig ng Diyos?
Naniniwala ako na mayroong tatlong bagay na kinakailangan para doon sa mga makakarinig ng tinig ng Diyos:
1.Isang di matitinag na pananalig na nais ng Diyos na makausap ka. Kailangang ganap kang naniniwala at kumbinsido na matagal ka nang nais makausap ng Diyos. Katunayan, siya ay Diyos na tunay na nangungusap at nais niyang makilala mo ang kanyang tinig para magampanan mo ang kanyang kalooban. Ang anumang sasabihin sa iyo ng Diyos ay hindi hihigit pa sa nakasulat sa Banal na Kasulatan. At hindi mo kailangang maging espesyalista para maunawaan mo ang kanyang tinig. Ang tanging kailangan mo ay isang puso na nagsasabing, “Naniniwala ako na nais ng Diyos na mangusap sa akin.”
2. May kalidad na panahon at katahimikan. Kailangang ganap na tanggap ng kalooban mo na bukas ang loob mo sa Diyos at itaboy ang ibang tinig palayo. Katotohanan na, ang Diyos ay maghapong nagungusap sa atin. Ngunit kapag may nais siyang mabuo sa aking buhay, ang kanyang tinig ay nagungusap lamang kapag itinaboy ko ang lahat ng iba pang tinig maliban sa kanyang tinig.
3. Humingi ayon sa pananampalataya. Wala tayong makukuha sa Diyos (kasama na ang madinig ang kanyang tinig) hanggang sa kung tunay na naniniwala tayo na kaya niyang iparating ang kanyang isipan sa atin at may kakayanan tayong maunawaan ang kanyang ganap na kalooban.
Sinabi ni Jesus, “Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung ito’y humihingi ng isda? Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya’y humihingi ng itlog?” (Lucas 11:11-12). Sa madaling sabi, kung hihingin ninyo sa Ama na mangusap siya—para sa isang malinaw na patutunguhan, isang makadiyos na pagtatama, isang natatanging pangangailangan—iniisip mo ba kahit sandali ay hahayaan niya ang diyablo na dumating at linlangin tayo?
Ipagpalagay na ang anak ay tumatawag sa kanyang ama tuwing gabi para sa isang paghingi ng gabay at payo. At isang araw ang ama ay nagpasiya na biruin siya at umupa ng isang manggagaya para sagutin ang telepono—isang gagayahin ang kanyang boses. At pagtawag ng anak, ang impostor ay magsasabi ng lahat ng iba-ibang payo. Bigla na lang ang anak ay nalilito at nasaktan sapagkat ang lahat ng nadinig niya ay taliwas sa lahat ng natutunan niya sa kanyang ama. Anong masasabi mo sa uri ng amang ito? Oo, isa siyang tampalasang ama! At ganoon din ang pag-aakusa natin sa Diyos kapag hindi tayo nagtitiwala sa kanya na ipadinig niya ang kanyang tinig at sa halip ay iniisip natin na siya ay isang impostor.
Ang Diyos ay hindi nagbibiro. Hindi niya hahayaan na linlangin ka ng diyablo. Kapag nangusap ang Diyos, kasunod nito ay kapayapaan at hindi kayang huwadin ng diyablo ang kapayapang iyan. Kapag ikaw ay nasa isang lugar ng katahimikan at kapayapaan, naniniwala na kaya ng Diyos na mangusap sa iyo, kung ganoon mayroon ka ng katiyakan na hindi magbabago. Maari kang bumalik ng libu-libong ulit sa Diyos at makatatanggap ka ng katulad na salita—sapagkat ito ay pagtitiwala!