Martes, Mayo 5, 2009

ANG PAG-IBIG NG DIYOS SA KANYANG MGA TAO AY HINDI KAILANMAN MABIBIGO

Habang binabasa ko ang Awit 13, ako’y napukaw na magpadala sa inyo ng ilang salita ng pagpapasigla na aking namalayan dito sa pinagpalang kabanatang ito.

 

Isinulat ni David ang mga salitang nakapalaman sa Awit na ito. Itinanong niya, “Gaano katagal mo akong lilimutin, Panginoon? Gaano mo katagal itatago ang iyong mukha sa akin? Gaano katagal akong magdadala ng kalungkutan sa aking puso araw-araw? Gaano katagal makapagmamataas ang kaaway sa akin?

 

May tunog itong na parang nadama ni David na tuluyan na siyang iniwan ng Diyos para magdusa, na gumising bawat araw na may kalungkutang bumabalot sa kanya. Sa isang panahon, nagsalita si David ng kawalan ng pag-asa: “Diyos ko, ang damdamin bang ito ng pag-iisa ay mananatili habang-buhay? Kailan sasagutin ang aking mga dalangin?

 

Kapag ang kaguluhan ay dumating sa atin kahit na alam natin na iniibig natin ang Panginoon – kapag ang kaligtasan ay mistulang malayo at wala ng pag-asa – tayo ay nanghihina dala ng kabigatan. Sa mga sandaling ito, mayroong nakababasa ng mga salitang ito na nanghihina sa ilalim ng matinding kabigatan sa isang kalagayan na mukhang wala ng kalutasan. Sila ay nasa bingit ng kawalan ng pag-asa, umaasa na ang paghupa ay darating lamang kung magkakaroon ng pahinga sa kanilang mga pagsubok.

 

Sa gitna ng sarili niyang pagsubok, nagtanong si David, “Gaano pa katagal akong tatanggap ng payo sa aking espiritu?” Naghanda siya ng balakin kada balakin, nagsusumikap na umisip ng paraan para makaiwas sa kanyang kagipitan – ngunit ang lahat ng kanyang balak, lahat ng pinaghandaan ay nabigo. Ngayon wala na siyang maisip pa, wala ng iba pang paraan. Siya ay nasa katapusan na ng lahat.

 

Gaano kasakit na makita ang isang munting pag-asa, kahit kaunting sikat ng araw, ngunit ang kawalan ng pag-asa ay muling dumating. Ilagay sa isipan, na ang lahat ng ito ay nangyayari sa makaDiyos na tao, sa isang malapit sa puso ng Diyos. Si David ay isang lalaki na nagpatotoo na mayroon siyang dakilang pananalig sa Panginoon. Gayunman, katulad natin, si David ay dumaan sa panahon ng kagipitan, katulad ng ipinahayag niya dito sa Awit.

 

Paano nakaahon si David dito sa balon ng kawalan ng pag-asa? “Magtitiwala ako sa iyong kahabagan… ako’y aawit.”

 

Hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang mga dahilan para manatiling nagtitiwala sa panahon ng inyong pangkasalukuyang mga pagsubok:

 

  • Gaano man magngalit ang bagyo, ang ating pinagpipitagang Panginoon ay patuloy na magpapakain sa mga ibon, dadamitan ang mga bulaklak ng kabukiran, at magtutustos sa karagatan ng puno ng mga isda sa kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan. “Ang iyong Amang nasa langit ay nagpakain sa kanila…” Walang ibong babagsak sa lupa na hindi nakikita ng Ama. 
  • Anong uri ng Ama ang magpapakain sa lahat ng nilalang sa lupa at pagkatapos ay pababayaan ang kanyang mga anak? Hinikayat tayo sa mabuti ni Jesus para “huwag bigyan ng pansin” ang mga pang-araw-araw na pangangailangan at suliranin, “sapagkat inaalala ka niya.”

Tunay, na iniibig kayo ni Jesus, at hindi siya magbibingi-bingihan sa iyong mga daing. Panghawakan ang kanyang mga pangako. Magpatul;oy sa pananalig. Manatiling naghihintay sa kanya. Hindi ka niya pababayaan.