Hindi kapani-paniwalang karapatan ang ibinigay sa atin sa pananalangin. Paano, ang tamang paraan, natin ginagamit ang karapatang ito? Sa pamamagitan ng sariling pangalan ni Kristo. Nakita mo, kapag inilagay natin ang pananalig kay Hesus, ibinibigay niya sa atin ang kanyang pangalan. Ang kanyang sakripisyo ay nagbigay sa atin para sabihin, “Ako si Kristo, Ako’y nasa kanya. Ako’y isang kasama niya.” Pagkatapos, kamangha-mangha, kinuha ni Hesus ang pangalan natin. Bilang ating nakatatas na pari, isinulat niya ito sa palad ng kanyang kamay. At kaya ang ating pangalan ay nakasulat sa langit , sa ilalim ng maluwalhati niyang pangalan.
Makikita mo kung bakit ang pariralang “Sa pangalan ni Hesus” ay hindi basta lamang parang walang ibig sabihin. Sa halip, ito ay isang literal na kalagayan na mayroon tayo kay Hesus. At ang katayuang iyan ay kinikilala ng Ama. Sinabi ni Hesus sa atin, “Sa araw na yao’y hihingi kayo sa kanya sa aking pangalan; at hindi ko sinasabi sa inyo na dadalangin ako sa Ama para sa inyo, sapagkat iniibig kayo ng Ama. Iniibig niya kayo sapagkat iniibig ninyo at naniniwala kayong nagmula ako sa Diyos” (Juan 16: 26-27).
Narito kung bakit iniutos ni Hesus sa atin na manalangin sa kanyang pangalan. Sinasabi niya, “Kailanman kayo humingi sa aking pangalan, ang iyong kahilingan ay mayroong katulad na kapangyarihan at bunga sa Ama na para bang ako ang humihingi sa kanya.” Sa ibang salita, para bang ang ating panalangin ay siya mismong binibigkas ni Hesus sa harap ng trono ng Ama. Kahalintulad, kapag inilagay natin ang ating mga lkamay sa may sakit at nanalangin, nakikita ng Diyos na para bang si Hesus ang naglagay ng kanyang kamay sa may sakit para magdala ng kagalingan.
Ito rin ang dahilan kung bakit dapat tayo maglakas loob lumapit sa trono ng grasya: para tumanggap. Kailangan tayong manalangin na may pananalig, “Ama, nakatayo ako sa harapan mo, pinili kay Kristo para humayo at magbunga. Ngayon ako’y humihiling, nawa’y ang aking kagalakan ay maging lubos.”
Marami akong naririnig na Kristiyanong nagsasabi “Humingi ako sa pangalan ni Hesus, ngunit hindi sinagot ang aking mga panalangin.” Ang mananampalatayang ito ay nagpahayag, “Sinubukan kong angkinin ang kapangyarihan sa pangalan ni Hesus. Ngunit hindi ito umepekto sa akin.” Marami ang dahilan kung bakit hindi tayo nakatatanggap ng sagot sa ating mga panalagin. Maaring may nananatiling kasalanan sa ating buhay, bagay na nagbigay dumi sa ating pakikipag-isa kay Kristo. Ito ang nagiging hadlang na pumipigil sa mga biyaya na nanggagaling sa kanya. At hindi niya sasagutin ang ating mga panalangin hanggang hindi natin iwinawaksi ang ating kasalanan.
O kaya, ang hadlang ay dahil sa panlalamig o panghihina patungo sa mga bagay na para sa Diyos. Maaring tayo ay sinasakal ng pagdududa, na siyang pumuputol sa atin sa kapangyarihan ni Kristo. Nagbabala si Santiago, “Subali’t ang humihingi ay dapat manalig at huwag mag-alinlangan; sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan. Huwag umasang tatanggap ng anuman mula sa Panginoon”(Santiago 1:6-7).
Niliwanag ni Santiago: “Siya na nag-aalinlangan ay hindi tatanggap ng anuman mula sa Diyos.” Ang salitang ginamit ni Santiago para sa “alinlangan” ay nangangahulugan na “hindi makapagpasiya.” Ang katotohanan ay, kapag ang mga taong ito ay gumawa ng mga kahilingan, sinusubukan nila ang Diyos. Sa kanilang puso, sinabi nila, “Panginoon kapag sinagot mo ako, maglilingkod ako sa iyo. Ibibigay ko sa iyo ang lahat, kung sasagutin mo lamang ang panalangin kong ito. Ngunit kung hindi, mamumuhay ako sa sarili kong pamamaraan.”
Gayunman ang Diyos ay hindi maaring suhulan. Alam niya ang laman ng ating mga puso, at alam niya kapag tayo’y hindi makapagpasiya tungkol sa ating pangako sa kanyang Anak. Inihahanda niya ang kapangyarihan na na kay Kristo para doon sa mga ganap na sumuko sa kanya.