Nagbabala si Pablo sa mga taga Efeso, “Hindi na tayo matutulad sa mga batang nadadala ng bawat aral, parang sasakyang-dagat na sinisiklut-siklot ng mga alon at tinatangay ng hangin” (Efeso 4:14). Maaring isipin mo, “ang bersong ito ay hindi akma sa akin. Ang aking sinimulan ay biblikong matatag. Hindi ako nadadala ng mga nauusong makabagong pangangaral ng Magandang Balita at nakatatawang pamamaraan na siyang nakagugulo sa mga tao mula kay Kristo. Ako’y malalim ang pagkakatanim at matatag sa Salita ng Diyos.”
Gayunman pakinggan ang natitirang berso ni Pablo: “…nadadala…hindi na tayo malilinlang ng mga taong ang hangad ay ibulid tayo sa kamalian” (4:14). Marahil hindi ka malilinlang ng maling doktrina. Sinabi ni Pablo na maari ka pa ring madala ng naiiba pang bagay. Nagtatanong siya, “Ikaw ba’y naihagis ng mga makadiyablong balakin ng mga taong sumasalungat sa iyo?”
Ang mensahe ni Pablo ay nananawagan na suriin muli natin ang ating mga sarili: Paano mo sasagutin ang mga taong tinatawag ang sarili nilang mga kapatiran nating babae at lalaki kay Kristo, samantalang sila’y nagkakalat ng mga kasinungalingan tungkol sa atin?
Nang ipinag-utos ni Pablo, “Huwag na tayong maging parang mga bata,” sinasabi niya sa atin, “Yaong mga kalaban mo—ang mga taong tsismoso at mapanirang-puri, manlilinlang, tuso at mandaraya, mapang-ilalim—sinasabi ko sa iyo, silang lahat ay mga batang rebelde. Sila’y mga baluktot at laki sa layaw. At hindi nila hinayaang kumilos ang grasya ng Diyos sa kanila. Kaya, huwag mahulog sa kanilang mga makasalanang, parang batang paglalaro.”
Sa sumunod na berso, hinikayat tayo ni Pablo na magpatuloy sa paglago: “Manapa’y sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, magiging ganap tayo kay Kristo na siyang ulo” (Efeso 4:15). Sinasabi niya, “Hindi mo mapigilan ang mga pagwawalang-bahala, pananakit na ginawa sa iyo, ang mga tsismis tungkol sa iyo, ang panlilinlang at pandaraya na iniumang sa iyo. Ganunpaman, magagamit mo ang bagay na ito para lumago sa grasya. Tingnan ang mga ito bilang isang oportunidad para maging kawangis ni Kristo. Tumugon ng mahinahon, na may mapagkumbabang espiritu. Patawarin ang mga taong naiinis na gumamit sa iyo.”