Lunes, Oktubre 6, 2008

ANG PATULOY NA PAG-IBIG NG DIYOS

Nais kong pag-usapan natin ang tungkol sa salitang patuloy. Nangangahulugan ito na hindi nagkukulang sa pagka-masidhi o pagsisikap—hindi sumusuko, walang pakikipagkasundo, hindi maaring magbago o mahikayat ng pakikipagtalo. Para magpatuloy ay para manatili sa tiyak na patutunguhan.

Isang kahanga-hangang pagsasalarawan ng pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig ng ating Panginoon ay ganap na nagpapatuloy. Walang anumang makapipigil o makababawas sa kanyang mapagmahal na pagtugis sa mga makasalanan at mga banal. Si David, ang Mang-aawit, ay ipinahayag ito sa ganitong paraan: “Ikaw’y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras…Saan ako magpupunta, upang ako’y makatakas? Sa banal mong Espiritu’y hindi ako makaiwas. Kung langit ang puntahan ko, pihong ikaw’y naroroon, sa Sheol ay naroon ka kung do’n ako manganganlong” (Awit 139:5, 7-8).

Si David ay nangungusap tungkol sa mataas at mababang kalagayan na hinaharap natin sa ating buhay. Sinasabi niya, “May panahon na ako ay lubos na pinagpala, dama ko ang kagalakan. May panahon rin, dama ko’y namumuhay ako sa impiyerno, isinumpa at di-karapat-dapat. Ngunit saan man ako naroon, Panginoon—gaano man ako pinagpala, o gaano man kababa ang aking kalagayan—naroon ka. Hindi ako makalalayo sa iyong patuloy na pag-ibig. At hindi ko ito maiiwasan. Hindi mo tinatanggap ang aking paliwanag kung gaano ako di-karapat-dapat. Kahit na ko ay sumusuway—nagkakasala laban sa iyong katotohanan, binabale-wala ang iyong mga biyaya—hindi mo ako tinigilang ibigin. Ang pag-ibig mo sa aki’y walang-tigil!”

Kailangan nating isa-alang-alang ang patotoo ng apostol Pablo. Habang binabasa natin ang tungkol sa buhay ni Pablo, nakita natin ang isang tao na sadyang nais wasakin ang iglesya ng Diyos. Si Pablo ay parang isang sira-ulo sa kanyang galit sa mga Kristiyano. Hinihinga niya ang pananakot ng pagpatay laban sa lahat na susunod kay Hesus. Humingi siya ng pahintulot sa matataas na pinuno upang tugisin ang mga mananampalataya para makapasok siya sa kanilang mga tahanan at hilahin sila patugo sa bilangguan.

Pagkatapos na siya ay tumanggap kay Hesus, nagpatotoo si Pablo na noong mga panahon na puno siya ng pagkamuhi—habang puno siya ng paghuhusga sa iba, bulag na pumapatay ng mga disipulo ni Kristo—inibig pa rin siya ng Diyos. Isinulat ng apostol, “Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin ng mamatay si Kristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa” (Roma 5:8). Sinabi niya, na may kakanyahan, “Kahit hindi ko namamalayan ito, tinutugis ako ng Diyos. Patuloy siyang lumalapit sa akin puno ng pag-big, hanggang sa dumating ang araw na ako’y pinasuko niya. Iyon ang walang-tigil na pag-ibig ng Diyos.”

Sa mga taong nagdaan, si Pablo ay unti-unting nahikayat na iibigin siya ng Diyos hanggang sa katapusan, kahit na sa mataas at mababang katayuan niya. Ipinahayag niya, “Sapagkat natitiyak kong ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan, ang mga bagay sa kasalukuyan, ang mga bagay na darating, ang mga kapangyarihan, ang kataasan, ang mga kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pamamagitan ni Kristo-Hesus na ating Pnaginoon” (Roma 8:38-39). Ipinahayag niya, “Ngayon na ako’s sa Diyos, walang anumang makapaghihiwalay sa akin sa kanyang pag-ibig. Walang diyablo, walang dimonyo, walang pamunuan, walang tao, walang anghel—walang makapipigil sa Diyos sa kanyang pag-ibig sa akin.”