Habang ginugol ni Hesus ang kanyang huling mga oras kasama ang kanyang mga disipulo, sinabi niya sa kanila, “Tandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo” (Juan 16:23). Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Hanggang ngayo’y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa pangalan ko; humingi kayo at kayo’y tatanggap, upang malubos ang inyong kagalakan” (16:24).
Isang di-kapani-paniwalang pahayag. Habang ang tagpong ito ay nangyari, nagbabala si Kristo sa kanyang mga taga-sunod na siya ay lalayo, at hindi niya sila makikita sa maiksing panahon. Ganunpaman, doon din sa kalagayang iyon, isinuguro niya sa kanila na sila ay may karapatan sa pagpapala ng langit. Wala silang gagawin kundi ang humingi sa pangalan niya.
Ang mga disipulo ay mismong tinuruan ni Hesus na kumatok, maghanap, at humingi sa mga bagay na sa Diyos. Itinuro sa kanila unang-una na ang lahat ng pagpapala ng Ama—lahat ng biyaya, kapangyarihan at lakas—ay matatagpuan kay Kristo. At narinig nila na ipinahayag ni Hesus sa marami: “Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko at higit pa rito, sapagkat pupunta na ako sa Ama. At anumang hilingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay gagawin ko, upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Gagawin ko ang anumang hihilingin ninyo sa pangalan ko” (Juan 14:12-14).
Ang salita ni Kristo sa kanyang mga disipulo ay tinamaan ako: ““Hanggang ngayo’y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa pangalan ko” (16:24). Habang binabasa ko ito, narinig ko ang Panginoon na bumubulong sa akin, “David, hindi mo pa inaangkin ang kapangyarihan na inihanda ko para sa iyo. Kailangan mo lamang humingi sa pangalan ko.”
Narito ang pinaniniwalaan kong nagpapalungkot sa puso ng Diyos higit pa sa lahat ng mga kasalanan na pinagsama-sama. Ang ating Panginoon ay nalulungkot sa paglago ng kawalan ng pananalig sa kanyang mga ipinangako…sa patuloy na pagdami ng pagdududa na sinasagot niya ang mga panalangin…at sa mga taong umuunti ng umuunting pag-angkin ng kapangyarihan na na kay Kristo.
Kahit na gaano pa ang hiningi mo sa pagkawangis ni Kristo, ito’y balewala kung ihahalintulad sa mga yaman ng kanyang espirituwal na karunungan na nananatiling naghihintay sa kanyang silid-imbakan. Humingi ng malaki! Humingi ng karunungan, humingi ng patnubay, humingi ng pahayag. Ngunit kailangan hilingin ito ng may pananalig, hindi ng pagdududa.