Isa-alang-alang ang isa sa pinaka makapangyarihang pangako sa lahat ng Salita ng Diyos.
Ang Diyos ang lakas natin at kanlungan, at handang saklolo kung may kaguluhan; di dapat matakot, mundo’y mayanig man, kahit na sa dagat ang bundok mabuwal; kahit na magngalit yaong karagatan, at ang burol mayanig, magimbal. May ilog ng galak sa bayan ng Diyos, sa banal na templo’y ligaya ang dulot. Ang tahanang-lunsod ay di-masisira; ito ang tahanan ng Diyos na Dakila, mula sa umaga ay kanyang alaga. Nangingilabot din bansa at kaharian, sa tinig ng Diyos lupa ay napaparam Nasa atin ang Diyos Makapangyarihan, ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan…. Maging pagbabaka ay napatitigil” (Awit 46:1-7, 9).
Isang kataka-takang salita. Nabasa ko ang talatang ito ng paulit-ulit, napakaraming beses na, at patuloy pa rin akong dinadaig nito. Ang Salita ng Diyos dito ay lubos na makapangyarihan, di-matitinag, sinasabi niya sa atin, “Hindi mo na kailangang matakot kailanman, Hindi mahalaga kung ang sanlibutan ay nagkakagulo. Ang daigdig ay maaring lindulin, ang karagatan ay maaring dumaluyong, ang mga bundok ay gumuho sa karagatan. Ang mga bagay ay maaring ganap na nagkakagulo, pangkalahatang kaguluhan sa lahat ng paligid mo.
“Ngunit dahil sa aking Salita, magkakaroon ka ng kapahingahan katulad ng ilog. Habang ang lahat ng bansa ay nagngangalit, makapangyarihang singaw ng kagalakan ay dadaloy sa aking mga tao. Pupunuin nito ng kagalakan ang kanilang mga puso.”
Sa kasalukuyan, ang sanlibutan ay nasa panahon ng katatakutan. Ang mga bansa ay nanginginig sa takot na dala ng paninindak, alam na walang rehiyon ang di-tinatablan ng mga pananakot. Pansariling kaguluhan at kagipitan ay dumarami. Gayunman, sa gitna ng lahat ng ito, ang Awit 46 ay umaalingawngaw sa mga tao ng Diyos sa sanlibutan: “Ako’y nasa kalagitnaan ninyo. Kasama ninyo ako sa lahat ng ito. Ang mga tao ko ay hindi mapupuksa o mauuga. Ako ang palagiang tulong sa aking iglesya.”
Alam ng Diyos na lahat tayo ay humaharap sa mga malalim na pangangailangan; lahat tayo ay humaharap sa kaguluhan, mga tukso, panahon ng kalituhan na nagdudulot ng pagyanig sa iyong kaluluwa. Ang kanyang mensahe sa atin sa Awit 46 ay patungkol sa ganitong kapanahunan. Sinasabi niya na kapag tayo ay dinaig ng takot, nalulumbay at puno ng kawalan-ng-pag-asa, tayo ay namumuhay na salungat sa kanyang patotoo sa ating mga buhay.
Mahalaga sa ating buhay na panghawakan natin ang sinasabi sa Awit na ito. Ang ating Diyos ay palaging nakahanda para sa atin sa lahat ng sandali, araw at gabi. Patuloy na siya ay nasa kanang kamay natin, handang makipag-usap at gumabay sa atin. At ginawa niya itong maari sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng Banal na Espiritu na naninirahan sa atin. Mismong ang Bibliya ay nagsasabi sa atin na si Kristo ay nasa atin at tayo ay nasa kanya.