Martes, Hunyo 24, 2008

ANG KATAWAN NI KRISTO

Itinuro ni Apostol Pablo sa atin, “Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Kristo at bawat isa’y bahagi nito… Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng isang bahagi lamang” (1214).

Sinasabi ni Pablo sa atin, “Tingnan mo ang iyong sariling katawan. Mayroon kang mga kamay, mga paa, mga mata, mga tainga. Hindi ka lamang isang nakahiwalay na utak, na hindi nakadikit sa ibang mga bahagi. Kaya, to’y katulad ng kay Kristo. Hindi lamang siya ang ulo. Mayroon siyang katawan, at tayo ay bumubuo sa bawat mga bahagi nito.”

Pagkatapos ay tinukoy ng apostol, “Gayon din naman, tayo’y marami ngunit nabubuo sa iisang katawan ni Kristo, at isa’t isa’y bahagi ng iba” (Roma 12:5). Sa ibang salita, hindi lamang tayo kaugnay kay Hesus na ating ulo. Tayo rin ay magkakasama sa bawat isa. Ang katunayan ay, hindi tayo maaring iugnay sa kanya kung hindi rin magkaka-isa sa bawat kapatiran kay Kristo.

Tinukoy ni Pablo ito ng deretsuhan, sinasabi na, “Hindi ba’t ang pag-inom natin sa saro ng pagpapala na ating pingpapasalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Kristo? At ang pagkain natin ng tinapay na ating pinagpipira-piraso ay pakikibahagi naman sa kanyang katawan? Kaya nga, yamang isa lamang ang tinapay, tayo’y iisang katawan bagamat marami, sapagkat nakikibahagi tayo sa iisang tinapay” (1 Corinto 10:16-17). Sa madaling sabi, tayo ay pinakain ng iisang pagkain: si Kristo, ang bumaba mula sa langit. “Sapagkat ang pagkaing bigay ng Diyos ay yaong bumaba mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sanlibutan” (Juan 6:33).

Si Hesus ay nakikipag-usap sa kanyang mga disipulo sa pamamagitan ng mga talinghaga at ang bawat talinghaga ay naglalaman ng nakatagong katotohanan ng Diyos. Ang mga lihim na ito ay ibinahagi ng Ama, Anak, at ng Banal na Espiritu mula ng likhain ang sanlibutan: “Magsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga, ihahayag ko sa kanila ang mga bagay na nalilihim mula nang likhain ang sanlibutan” (Mateo 13:35). Nagpatotoo si Hesus na ang mga nakatagong lihim ay ihahayag lamang doon sa mga may panahong hanapin ito.

Nagpahayag si Hesus, “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay…ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit…ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin” (Juan 16:35, 51, 57). Ang larawan ng pagkain dito ay mahalaga. Sinasabi ng Panginoon sa atin, “Kapag lumapit ka sa akin, ikaw ay pakakainin. Ikaw ay ikakabit sa akin, bilang bahagi ng aking katawan. Dahil doon, makatatanggap ka ng lakas mula sa nagbibigay-buhay na nagmumula sa akin.” Sa katunayan, bawat bahagi ng kanyang katawan ay kumukuha ng lakas mula sa isang pinanggagalingan: si Kristo ang ulo. Lahat ng kailangan natin na mangunguna sa pagtatagumpayang buhay ay dumadaloy sa atin mula sa kanya.

Ang pagkain ay ang nagpapakilala sa atin bilang bahagi ng kanyang katawan. Tayo ay inihiwalay mula sa sangkatauhan sapagkat tayo ay nakikibahagi sa nag-iisang tinapay: si Hesu-Kristo. “Kaya nga, yamang isa lamang ang tinapay, tayo’y iisang katawan bagamat marami, sapagkat nakikibahagi tayo sa iisang tinapay” (Corinto 10:17).