Binigyan tayo ni Hesus ng higit pa sa isang dahilan kung bakit kailangan natin ang kanyang kapayapaan. Sinabi ni Kristo sa kanyang mga disipulo sa Juan 14:30, “Dumarating na ang pinuno ng sanlibutang ito.” Ano ang kahulugan ng kanyang pahayag? Kasasabi lang niya sa labindalawa, “Hindi na ako pakahahaba ng pagsasalita sa inyo” (14:30). Pagkatapos ay ipinaliwanag niya: “Dumarating na ang pinuno ng sanlibutang ito.”
Alam ni Hesus na si Satanas ay kumikilos ng mga oras iyon. Si Hudas ay nahikayat na ng diyablo na ipagkanulo siya. At alam ni Kristo na ang mga relihiyosong namumuno sa Herusalem ay nabigyan na ng kapangyarihan ng mga mapangyarihan sa impiyerno. At batid niya rin na ang mga taong-bayan na may mala-diyablong sigla ay padating na upang siya ay dakpin bilang isang bihag. At iyon ang kalagayan ng sinabi ni Hesus sa mga disipulo, “Si Satanas, isang buhong, ay padating na. kaya’t hindi na ako makikipag-usap sa inyo.”
Alam ni Hesus na kailangan niya ng panahon kasama ng Ama upang mapaghandaan ang padating na hidwaan. Siya ay malapit nang ibigay sa kamay ng mga buhong, katulad ng kanyang sinabi. At alam niya na ginagawa lahat ni Satanas upang yanigin ang kanyang kapayapaan. Ang diyablo ay ginugulo at tinatangka na mawalan siya ng pag-asa, lahat upang durugin ang pananalig ni Kristo sa Ama—lahat upang maiiwas siya sa Krus.
Maaring ikaw ay ligalig, iniisip, “Tapos na ang lahat, hindi ko na kakayanin.” Ngunit sinabi ni Hesus “Alam ko ang pinagdadaanan mo. Lumapit at inumin ang aking kapayapaan.”
Sa mga sandaling ito maaring dumaranas ka ng matinding kagipitan na hindi mo pa nararanasan. Maaring ang buhay mo ay wala sa ayos at ang mga bagay ay mukhang wala nang pag-asa. Mukhang wala ka nang patutunguhan at bawat lugar na iyong puntahan ay lalong lumalala ang iyong kagipitan, kaguluhan at kapaguran
Hindi mahalaga ang iyong pinagdadaanan. Ang buhay mo ay maaring animo ay dinaanan ng bagyo. Maaring matagalan mo ang mga pagsubok na naging dahilan upang tingnan ka ng iba bilang makabagong Job. Ngunit sa gitna ng iyong mga kagipitan, kapag tinawag mo ang Banal na Espiritu na binyagan ka sa kapayapaan ni Kristo, gagawin niya ito.
Ituturo ka ng mga tao at sasabihing, “Ang mundo ng taong iyon ay lubos na nadurog. Gayunman siya ay ganap na nagtitiwala sa Salita ng Diyos. Mabuhay o mamatay. Paano niya nagagawa ito? Paano niya nakakayanan ito? Dapat ay matagal na siyang sumuko. Gayunman siya ay hindi sumusuko. At sa gitna ng lahat ng ito, hindi niya isinubo ang lahat ng kanyang pinaniniwalaan. Isang kahanga-hangang kapayapaan! Ito’y higit pa sa pang-unawa ninuman.”