Lunes, Hunyo 23, 2008

ANG LUPANG IPINANGAKO

Naniniwala ako na ang Awit 46 ay larawan ng “lupang pangako” sa Bagong Tipan. Sa katunayan, ang Awit 46 ay kumakatawan sa banal na kapahingahan na tinutukoy sa Hebreo: “Samakatuwid, may kapahingahan pang nakalaan sa mga nananalig sa Diyos” (Hebreo 4:9). Ang Awit na ito ay naglalarawan sa kapahingahang ito ng mga tao ng Diyos. Tinutukoy nito ang kanyang palagiang lakas, ang kanyang tulong sa panahon ng kagipitan, ang kanyang kapayapaan sa gitna ng mga kaguluhan. Ang presensiya ng Diyos ay nasa atin sa lahat ng sandali at ang kanyang tulong ay laging dumarating sa tamang panahaon.

Tinanggihan ng Israel ang kapahingahang ito: “Ang lupang-pangarap na ipinangako’y kusang tinanggihan, dahilan sa sila’y hindi naniwala sa pangakong tipan” (Awit 106:24). Nakalulungkot, ang mga iglesya ngayon ay kahalintulad din ng Israel. Kahit na may dakilang pangako ang Diyos sa atin---ang katiyakan ng kanyang kapahingahan, tulong at puno ng panustos---hindi pa rin tayo lubos na nananalig. Sa halip, tayo’y dumadaing, “Nasaan ang Diyos sa aking mga pagsubok? Kasama ko ba siya o hindi? Nasaan ang katunayan ng kanyang presensiya? Bakit hinahayaan niyang ang mga pahirap na ito ay nagpapatong-patong sa akin?”

Ngayon, narinig ko ang Diyos na tinatanong ang kanyang iglesya, “Naniniwala ka ba na hanggang-ngayon ako ay nakikipag-usap sa aking mga tao? Tunay ka bang nananalig na nais kong makipag-usap sa iyo araw-araw, oras-oras, sa bawat sandali?” Ang ating katugunan ay dapat na katulad ng kay David. Ang maka-diyos na taong iyon ay niyanig ang impiyerno nang ipinahayag ang tungkol sa Panginoon: “Ang buong daigdig sa kanyang salita ay pawang nayari, lumitaw na bigla” (Awit 33:9).

Narito ang pangako ng Diyos sa bawat salin-lahi na nananalig sa kanyang Salita na ninanais niyang makipag-usap sa atin: “Ngunit ang mga panukala ng Diyos, ay mamamalagi’t walang pagkatapos” (33:11). Ang Lumikha ng sansinikuban ay nais na ibahagi ang kayang isipan sa atin!

Niliwanag ng Kasulatan: Ang ating Diyos ay nakipag-usap kanyang mga tao sa nakalipas, nakikipag-usap siya sa kanyang mga tao ngayon, at patuloy siyang makikipag-usap sa atin hanggang sa huling sandali ng panahon. Higit pa dito, nais ng Diyos na makipag-usap sa iyo tungkol sa iyong suliranin ngayon. Maari niya itong gawin sa pamamagitan ng kanyang Salita, sa pamamagitan ng maka-diyos na kaibigan, o sa pamamagitan ng Espiritu hanggang ngayon, maliit na tinig na bumubulong, “Ito ang daan, lakaran mo ito”.

Kahit anupaman ang kanyang gamitin, makikilala mo ang kanyang tinig. Alam ng tupa ang tinig ng kanilang Pastol. At siya ang “(nag-iingat) sa buhay ng mga lingkod; ililigtas niya sila sa kamay ng mga buktot” (Awit 97:10).