Lunes, Hulyo 25, 2011

NASAAN ANG TAGUMPAY?

Karamihan sa atin ay alam na ang kasalanan ang ugat ng lahat ng problema—ang ating pangamba, kakulangan, galit, kawalan ng pag-asa. Alam natin na ninanakawan tayo nito ng lakas ng loob na espirituwal at sigla, ngunit ang hindi natin alam ay kung paano madadaig ang “talikuran natin ang kasalanan at ang anumang balakid na pumipigil sa atin” (tingnan ang Hebreo 12:1).

Alam natin na ang tagumpay laban sa lahat ng ating mga kaaway ay nanggagaling sa pamamagitan ng Panginoong Jesu-Cristo. Ngunit paano natin makukuha ang kapangyarihan mula sa kanyang gumagapang na halaman patungo sa ating munting sanga? Paano mangyayari ito? Iniibig ko si Jesus, at alam ko na nasa kanya ang lahat ng kapangyarihan. Alam ko rin na ipinangako niya sa akin ang tagumpay, ngunit ano ang ibig sabihin noon at paano makakamit ang tagumpay?

Nagsisimula pa lamang akong makita ang munting liwanag sa misteryo ng kabanalan. Hinihingi ng Diyos sa akin na gawin ang sumusunod na tatlong bagay para sa sarili kong pagsasaliksik ng ganap na tagumpay laban sa lahat ng aking mga kumukubkob na kasalanan.

  1. Kailangan matutunan ko na magutom sa kabanalan at kamuhian ang aking kasalanan. Ipinapahamak ako ng kasalanan at hindi maaring tumingin ang Diyos sa kasalanan; hindi niya maaring patawarin ito. Ang takot sa Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng kalayaan. Huwag asahan na pagbibigyan o bibigyan ng espesyal na mga pribilehiyo. Ang kasalanan ay dapat na ikumpisal at iwaksi.
  2. Kailangan makumbinsi ako na ako ay iniibig ng Diyos kahit na ako ay nagkasala! Kinamumuhian ng Diyos ang aking kasalanan, habang kasabay nito ay ipinadadama niya ang kanyang pag-ibig sa akin na may walang katapusang kahabagan. Ang kanyang pag-ibig ay hindi kailanman maaring makipagkompromiso sa kasalanan, ngunit nakahawak siya sa kanyang nagkakasalang anak na may isang layunin sa isipan—ang baguhin siya.
  3. Kailangan kong tanggapin ang mapagmahal na pagtulong ng aking Ama sa pagtanggi at makapangibabaw. Ang kasalanan ay parang isang pugita na may maraming galamay na sinasadyang wasakin ang aking buhay. Madalang na ang lahat ng galamay nito ay luluwagan ang pagkakahawak nito sa akin ng sabay-sabay. Ito ay isang galamay sa bawat pagkakataon, isang munting tagumpay sa bawat pagkakataon. Iginawad ng Diyos ang Espiritu Santo sa akin na may maliwanag na patutunguhan kung paano makipaglaban, kailan kailangan tumakbo, kung kailan susunod na lalaban. Ang pakikipaglaban sa mga makapangyarihang kalaban ay sa kanya—hindi sa akin. Ako ay isa lamang kawal, na nakikipaglaban sa kanyang digmaan. Nais ng Diyos na ako ay ganap na manalig sa kanya. Ang bahagi ko sa pakikipaglabang ito ay manalig na ako ay ilalabas niya sa labanang ito na tagumpay!