Biyernes, Hulyo 8, 2011

MABUHAY AT UMIBIG KATULAD NG GINAWA NI JESUS

“Nalalaman nating tayo'y iniibig ng Diyos at lubos tayong nananalig sa katotohanang ito. Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy na umiibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili naman sa kanya. Ang pag-ibig ay nagiging ganap sa atin kaya't hindi natin kinatatakutan ang Araw ng Paghuhukom, sapagkat tayo'y tulad ni Cristo, kahit nasa daigdig pang ito” (1 Juan 4:16-17).

Itala ang huling bahagi ng talatang ito. Sinabi ni Juan sa atin na tayo ngayon ay namumuhay na katulad nang pamumuhay ng Panginoon: ang magpatawad at ibigin ang ating mga kaaway. Walang anumang natira sa atin sa paghihiganti, sama ng loob, o ng mabigat na dugo sa ibang lahi—walang anuman para hatulan tayo. At ngayon kailangan malaman natin at lubusang maniwala sa pag-ibig ng Diyos para sa atin.

“Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos, kundi tayo ang inibig niya at isinugo niya ang kanyang Anak upang maging handog para mapatawad ang ating mga kasalanan” (1 Juan 4:10).

Bukod sa rito, sinabi ni Juan, kailangan walang takot sa kanyang pag-ibig, walang pagdududa dito. Bakit? Sapagkat kapag nagduda tayo sa kanyang pag-ibig para sa atin, tayo ay mabubuhay sa pighati: “Ang takot ay kaugnay ng parusa (4:18). Ang maniwala sa pag-ibig ng Diyos ay nangangahulugan na alam na siya ay matiyaga sa ating mg kabiguan, araw-araw. Naririnig niya ang bawat daing, inilalagay sa sisidlan ang bawat luha, nadarama ang hapis ng ating puso, at nahahabag sa ating mga daing.

Ang ganitong mukha ng pag-ibig ng Diyos ay madiing inilarawan sa Exodo, na kung saan ay hinanap na maipahayag ng Panginoon ang kanyang likas na pag-ibig sa kanyang mga tao. Sinabi niya kay Moses, “Palalayain ko ang Israel,” at sinabi ng Kasulatan: “Narinig ng Diyos ang kanilang daing at naalala niya ang ginawa niyang kasunduan kina Abraham, Isaac at Jacob” (Exodo 2:24).

Sinabi sa kanya ni Yahweh, "Nakita kong labis na pinahihirapan ng mga Egipcio… Alam ko ang hirap na kanilang tinitiis at narinig ko ang kanilang pagdaing. Kaya't bumaba ako upang sila'y iligtas” (3:7-8).

Naniniwala ka ba na nakikita ng Diyos ang iyong kalagayan at pangangailangan, katulad ng ginawa niya sa Israel? Madalas nating sinasabi, “Si Cristo ang lahat.” Gayunman kapag humarap tayo sa krisis—at kapag ang isa ay sinundan pa ng hindi magagandang pangyayari, ang ating mga dalangin ay mistulang parang hindi sinasagot, at ang bawat pag-asa ay nauumpog—bumababa tayo na may pangamba. Sa katunayan, dinadaig tayo ng takot. Ngunit ang katotohanan ay, hindi kailanman pinababayan ng Diyos ang kanyang mga anak sa panahon ng kanilang hapis, kahit na ang mga bagay ay mistulang wala ng pag-asa. Palagi tayong maaring umasa sa kanya!