Ang propetang si Ezekiel ay binigyan ng isang di-kapani-paniwalang pangitain. Sinabi ng Kasulatan na dinala siya ng kamay ng Diyos sa isang napakataas ng bundok, na kung saan ay may nagpakitang tao “Siya'y tila tanso, may hawak na pising lino, at panukat” (Ezekiel 40:3).
Ang katotohanan, ang tao ay walang iba kundi si Crsito mismo. Inakay niya si Ezekiel sa pintuan ng bahay ng Diyos na kung saan ibinigay niya sa propeta ang isang kahanga-hangang pangitain ng kinahaharap ng mga tao ng Diyos. Ipinahayag nito kung ano ang mangyayari sa katawan ni Cristo habang papalapit na ang katapusan ng mundo. “Bumalik kami sa pintuan ng templo. Sa ilalim nito'y may agos ng tubig papunta sa silangan. Ang templo'y paharap sa silangan. Ang agos ay nagmumula sa gawing timog na bahagi ng templo, sa gawing timog ng altar” (Ezekiel 47:1).
Ang mga larawan ng tubig sa Bibliya ay madalas na kumakatawan sa Espiritu ng Diyos. Ang pangitain ay maliwanag na nagpapahayag ng dakilang pagpupuspos ng Espiritu Santo sa mga huling araw. Ang pangitain ay lubhang nakapangingibabaw sa lawak nito, hindi ito maintidihan ni Ezekiel. Ni hindi siya makapagbigay ng kuru-kuro sa kung ano ang kahulugan nito; ang kaya lamang gawin ay ipagbigay-alam ito. Sa katotohanan, bago pa natapos ang pangitain, huminto ang Panginoon at tinanong si Ezekiel, “Nakita mo ba ito?” tanong ng Diyos, “Nauunawaan mo ba ang kahulugan ng nakikita mo? Nakikita mo ba kung ano ang ipinahahayag ng tumataas na tubig? Alam ko na ang pahayag na ito ay di-kapani-paniwala at kamangha-mangha para sa iyo, ngunit ayaw kong mawaglit ka sa tunay na kahulugan nito. Ang tubig ay nagpapahayag kung paano magtatapos ang lahat.”
Ang propetang si Isaias ay mayroon ding pangitain ng katulad ng tubig na ipinakita sa pangitain ni Ezekiel. Gayunman mayroon pang higit na nakita si Isaias. Ayon kay Isaias, sa mga huling araw ang mga tao ng Diyos ay makakaranas ng malaking pag-iingat laban sa lahat ng maka-satanas na pag-atake: ”Maninirahan tayo sa baybayin ng malalawak na ilog at batis na hindi mapapasok ng sasakyan ng mga kaaway” (Isaias 33:21).
Si Isaias ay nagpapahayag dito ng sasakyang-pandigma na minamaneho ng mga alipin. Ipinakikita niya sa atin ang larawan ng kaaway, ang diyablo, habang sinusubok niyang umatake sa lahat na lumalangoy sa tubig. At ito ay larawan ng ganap na kalituhan.
Maliwanag na ipinakikita sa atin ng Diyos sa mga talatang ito na ang kanyang buhay na tubig ay hindi maaring pakialaman ni Satanas. Bilang patotoo ng Mang-aawit, “Silang nagnanasang ako ay patayin ay iyong igupo at iyong hiyain; at ang nagtatangkang lumaban sa akin, hadlangan mo sila at iyong lituhin. Gawing parang ipa na tangay ng hangin, habang tinutugis ng sinugong anghel. Hayaang magdilim, dumulas ang landas, ang anghel ni Yahweh, sa kanila'y wawasak” (Awit 35:4-6).