Martes, Enero 11, 2011

SI YAHWEH ANG AKING PASTOL

Alam natin ang tungkol sa Awit 23. Ang nakapagpapalakas-loob na talatang ito ay alam din kahit na nga mga hindi mananampalataya. Ang kilalang awit ay isinulat ni Haring David, at ang pinakilalang talata ay nasa pambungad na berso: “Si Yahweh ang aking Pastol, hindi ako magkukulang.”

Ang Hebreong salita na ginamit ni David para sa magkukulang ay nagpapakita ng kahulugan na kulang. Sinasabi ni David, sa ibang salita, “Hindi ako magkukulang.” Kapag pinagsama natin ang kahulugan sa unang bahagi ng talata, sinasabi ni David, “Pinangungunahan ako ng Panginoon, ginagabayan at pinakakain. At dahil doon, hindi ako magkukulang.”

Sa maiksing talatang ito, ibinigay sa atin ni David ang iba pang paglalarawan ng katauhan at kalikasan ng Panginoon. Ang literal na pagsasaling-wika sa Hebreo sa unang bahagi ng talatang ito ay Jehova Rohi (bigkas je-HO-va-RO’-ee). Ang kahulugan nito ay “Si Yahweh, ang aking Pastol.”

Si Jehova Rohi ay hindi isang magiliw, at tahimik na Pastol. Hindi siya isang upahan—isang gumagawa ng higit pa kaysa nagbibigay lamang ng pagkain at gabay. Hindi lamang basta itinuturo tayo patungo sa madamong pastulan at lawa at sasabihing, “Nandoon ang kailangan ninyo. Pumunta kayo doon at kunin ito.” O kaya’y nagbubulag-bulagan siya sa ating mga pangangailangan. Hindi siya tumatakbong palayo sa atin kapag narinig iya ang ating mga daing sa paghingi ng tulong at nakikita tayo ay nasa kagipitan. Hindi, alam niya ang bawat kirot na ating dinadala, bawat luhang pumapatak, bawat sakit na nararamdaman. Alam niya kapag tayo ay pagod na para humakbang pa. Alam niya kung ano lamang ang kaya natin. Higit sa lahat alam niya kung paano niya tayo ililigtas at dadalhin sa lugar ng kagalingan. Sa bawat panahon, ang ating pastol ay dumarating, sinusundo tayo at dinadala sa lugar ng kapahingahan. Patuloy niya tayong pinahihiga para sa panahon ng pagpapagaling at pagpapanumbalik.

Si Jehova Rohi—si Yahweh ang ating Pastol—ay pinipilit tayong sundan siya sa kanyang kapahingahan, para siya ay maaring “manirahan” sa ating kalagitnaan. Sinabi ng Panginoon sa Exodo 29:45, “Ako’y sasakanila at ako ang magiging Diyos nila.” Ang Hebreong salita para sa manirahan dito ay shekinah, ang ibig sabihin ay tumira, o manatili sa tabi. Ang salitang ito ay nagpapahayag hindi lamang dumaraang presensiya, kundi isang palagian—isang presensiyang hindi umaalis. Sa madaling sabi, ang naninirahang kaluwalhatian ng Diyos ay hindi isang naglalahong tatak na nawawala sa ating mga puso na katulad ng hindi nakikitang tinta. Hindi, ito ay isang tatak ng Diyos na permanenteng na sa ating espiritu. Ito ang kanyang pinakamalapit at walang hanggang presensiya.

Ang larawan nito dito ay maluwalhati: Ang ating pastol ay nag-aalay na darating sa atin sa gitna ng ating mga pighati at walang pag-asang katayuan, at maupo sa ating tabi. Ipinangako niya na gagamutin niya ang ating mga sugat at palalakasin ang mga bahagi sa atin na may sakit at karamdaman.

Iyan ang naninirahang kaluwalhatian ng Diyos: ang nakatirang, walang-hanggang presensiya ng Panginoon. At madalas natin itong nararanasan kapag tayo ay nasa kalagitnaan ng ating kapighatian. Sinasabi ng ating dakilang pastol, “Nais kong mapanumbalik ka. At gagawin ko ito sa pamamagitan ng aking presensiya sa tabi mo, kahit na sa bingit ng kamatayan. Ang presensiya ko ay mananatili sa iyo sa lahat ng anumang ipukol ng diyablo sa iyo. Kahit na ikaw ay tumakbong palayo sa akin, ay hahabulin kita. At kapag inabot kita, ilalagay kita sa aking mga bisig at bubuhatin sa aking likod sa aking kapahingahan. At pagkatapos ay gagamutin ko ang lahat ng sugat mo at pagagalingin ang lahat ng karamdaman mo.”