Lunes, Enero 24, 2011

ANG ATING TAGAPAMAGITAN

“Dahil nga riyan, lubusang niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya’y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila” (Hebreo 7:25).

Ano ang ibig sabihin ng Kasulatan kapag sinabi nitong si Jesus ay namamagitan para sa atin? Naniniwala ako na ang paksang ito ay malalim, may kadakilaan at malayo sa pang-unawa ng tao, nanginginig ako maging sambitin man lang ito. Ang mga iskolar ng Bibliya ay may pinanghahawakang ibat-ibang pananaw sa kahulugan nito.

Sa pamamagitan ng pananalangin at pagtitiwala sa patnubay ng Espiritu santo, nagsisimula na akong maunawaan ang maliit lamang ng nakamamanghang paksa na ito. Kamakailan, simpleng nanalangin ako, “Panginoon, paanong ang iyong pamamagitan para sa akin ay makaaapekto sa aking buhay? Ang iyong Salita ay nagsabing humaharap ka sa Ama para sa akin. Ano ang ibig sabihin nito sa aking paglalakad araw-araw?

Ang salitang Ingles para sa namamagitan ay nangangahulugan na “makiusap para sa iba.” Ito ay naglalarawan ng isang pigura na kumatawan sa iyo para sa iba para ipakiusap ang iyong panig. Kapag nakarinig ka ng ganitong paglalarawan, iniisip mo ba si Cristo ay patuloy na nakikiusap sa Diyos para sa iyo, humihingi ng habag, kapatawaran, grasya at pagpapala? Sa aking opinyon, ang ganitong imahe ay naglalarawan sa ating Amang nasa langit na kuyom ang kamay. Hindi ako makapapayag na maniwala na ang grasya ay kailangang sungkitin mula sa ating mapagmahal na Ama. Kapag nilimitahan natin ang ating mga sarili sa makitid na paglalarawan ng pamamagitang ito, ay hindi natin mauunawaan ang mas malalim na espirituwal na kahulugan ng gingawa ni Jesus para sa atin.

Ipinahayag ng Bibliya na ang aking Amang nasa langit ay alam ang aking mga pangangailangan bago ko pa man ito hilingin sa kanya. At madalas, ipinagkakaloob na niya ang mga pangangailangang ito bago pa man ako makapanalangin. Kung ganoon, nahihirapan akong tanggapin na ang sariling Anak ng Diyos ay kailangan pang makiusap sa kanya para sa anumang bagay. Bukod dito, ang kasulatan ay nagsabi na ipinagkatiwala na ng Ama sa kanyang Anak ang lahat ng mga bagay: “Sapagkat ang buong kalikasan ng Diyos ay na kay Cristo nang siya’y maging tao” (Colosas 2:9).

Hindi ko inaangkin na alam ko na ang lahat tungkol pamamagitan ni Cristo para sa atin. Ngunit naniniwala ako na anuman ang ginagawa ng ating nakatataas na saserdote sa kanyang pamamagitan para sa atin, ito ay simpleng bagay lamang. At naniniwala ako na ang pamamagitang iyan ay may deretsuhang kinalaman sa paglago ng kanyang katawan dito sa sanlibutan. Siya ay kumikilos na nagbibigay sa bawat kasukasuan ng lakas at kapangyarihan.