Ikaw ay nasa ilalim ngayon dahil sa kasalanan—kung ikaw ay bugbog na dahil sa pamamalo ng Panginoon sa iyong likod, palakasin mo ang kalooban mo. Dinidisiplina ka niya dahil sa kanyang matamis na pag-ibig sa iyo. Namamalo siya sapagkat nais niyang matakot ka sa kanya—para malaman mo ang kanyang malasakit sa iyo.
Ano ang tamang pakahulugan ng takot sa Panginoon? Ito ay nangangahulugan na masabing, “Alam ko na iniibig ako ng Ama. Ako ay ganap na kanya at alam ko na hindi nya ako pababayaan kailanman. Nadarama niya rin ang kirot ko sa tuwina nang ako ay nakikipagbuno. At mahaba ang pasensiya niya sa akin habang ako ay nakikipagdigma laban sa kawalan ng pananalig. Lagi siyang nakahanda magpatawad sa tuwinang ako ay tatawag sa kanya. Ngunit alam ko rin na hindi niya hahayaang magpatuloy ako sa pagsuway sa kaniyang Salita. Ang aking Amang nasa langit ay hindi ako ipagpapalit—sapagkat malalim ang pag-ibig niya sa akin.” Ang pagdidisiplina ay para sa pagtatama.
Iyan ang punto ng lahat ng ito. Nais ng Diyos na tanggapin natin ang kanyang kapatawaran upang katakutan natin siya. “Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot, pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot” (Mga Awit 130:4). Sa sandaling katakutan natin ang Panginoon, nanaisin natin ang higit pa para lamang sumunod sa kanya. Nais natin siyang malugod, lagyan ng ngiti ang kaniyang mukha. Iyan ang mapagpalang kalalabasan ng banal na takot sa Diyos.