Biyernes, Enero 14, 2011

JEHOVAH SHAMMAH---NAROON SI YAHWEH

Para maging kasapi ng tunay na iglesya ng Diyos, kailangang makilala ka sa pamamagitan ng pangalan ni Jehovah Shammah—“Naroon si Yahweh” (Ezekiel 48:35). Ang iba ay maaring sabihin ang tungkol sa iyo, “Maliwanag sa akin na ang Diyos ay nasa taong ito. Tuwinang makikita ko siya, nararamdaman ko ang presensiya ni Jesus. Ang buhay niya ay tunay na naglalarawan ng kaluwalhatian ng Diyos.”

Kung tayo ay tapat, kailangang aminin natin na hindi natin nararamdaman ang matamis na presensiya ng Panginoon sa bawat isa ng madalas. Bakit? Ang mga Kristiyano ay gumugugol ng panahon sa pagsali sa mabubuting gawaing pangrelihiyon—samahan ng mga mananalangin, pag-aaral ng Bibliya, ministeryong panglabas—at ang lahat na iyan ay kapuri-puri. Ngunit marami sa mga Kristiyanong ito ay gumugugol lamang ng kaunting panahon sa pagmiministeryo sa Panginoon, sa lihim na silid ng panalanginan.

Ang presensiya ng Panginoon ay hindi maaring gawing huwad. Ito ay may katotohanan kung ito man ay ginagamit sa bawat isang buhay o sa katawan ng iglesya. Kapag nangusap ako ng presensiya ng Diyos, hindi ako nangungusap tungkol sa espirituwal na luningning na mistikal na pumapalibot sa isang tao o nanggagaling sa isang gawain ng iglesya. Sa halip, nangungusap ako ng tungkol sa kinalabasan ng isang payak ngunit makapangyarihang paglalakad ng pananampalataya. Kung ito man ay nagpapakita ng isang Kristiyanong pamumuhay o sa kabuuan ng konggregasyon, nagiging dahilan ito para ito ay itala ng mga tao. Sinasabi nila sa kanilang mga sarili, “Ang taong ito ay nakasama si Jesus,” o “Ang konggregasyong ito ay tunay na naniniwala sa ipinangangaral nila.”

Higit pa ang kailangan ng isang matuwid na mangangaral para makalikha ng isang iglesya ni Jehova Shammah. Kinakailangan nito ng isang matuwid, nagkukulong na mga tao ng Diyos. Kapag may isang baguhan na lumabas mula sa isang gawain ng iglesya at sinabing, “Nadama ko ang presensiya ni Jesus doon,” makatitiyak na hindi ito lamang dahilan sa ipinangaral o sa pagsamba. Ito ay dahilan sa isang matuwid na konggregasyon ay pumasok sa tahanan ng Diyos, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nananatili sa kalagitnaan nila.