Lunes, Setyembre 27, 2010

NAIHANDA NA NIYA ANG PANUSTOS

Kapag tayo ay tinawag ng Diyos para sa anumang tiyak na gawain, naihanda na niya ang panustos para sa lahat na kakailanganin natin para magampanan ito.

“Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay—higit pa sa inyong pangangailangan—upang may magamit kayo sa pagkakawanggawa” (2 Corinto 9:8).

Ang talatang ito ay hindi lamang isang pag-asa—ito ay pangako! Nagsisimula ito sa salitang, “Magagawa ng Diyos!”

Ang Diyos ay hindi interesado lamang na maibigay ang inyong pangangailangan. Ibig niya lagi na magbigay ng higit pa sa pangangailangan ninyo. Iyan ang kahulugan ng masagana—patuloy na dumadaming panustos!

“Sa Diyos na makakagagawa nang higit kaysa lahat ng maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang naghahari sa atin” (Efeso 3:20).

Isipin kung ano ang ipinangangako dito: Kapag ikaw ay bagsak na at hindi na halos makayanang magpatuloy pa, kaya ng Diyos na palakasin ka na magkaroon ka ng lahat ng iyong kakailanganin—sa lahat ng sandali, sa lahat ng posibleng kalagayan.

Ito ay para bang sinasabi ng Panginoon, “Makinig, kayong lahat na mga pastol! Makinig, kayong lahat na dumadalo sa aking tahanan at nagpapagal sa pananalangin, pagpupuri at namamagitan! Nais ko kayong bigyan ng masaganang lakas, pag-asa, kagalakan, katahimikan, kapahingahan, pananalapi, pagpapalakas-loob, karunungan. Katunayan, ibig kong magkaroon kayo ng labis labis na inyong kakailanganin—sa lahat ng panahon!”

Hindi hinangad ng Diyos na tayo’y maging espirituwal na hikahos, pulubi sa mga bagay ng Panginoon. Sa kabaliktaran, ang masaganang lingkod ay isang nagsasaya sa pahayag ng lahat ng dakilang panustos na inihanda ng Diyos para sa kanya! At hangad niyang marating ang pahayag na ito sa pamamagitan ng pananampalataya.

“Ganito ang sinasabi ng Kasulatan, hindi pa nakikita ng mata, ni naririnig ng tainga, hindi pa rin sumasagi sa isip ng tao, ang inihanda ng Diyos sa mga umiibig sa kanya. Subali’t ito’y inihayag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Nasasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang pinakamalalim na panukala ng Diyos” (1 Corinto 2:9_10).

Pagbibigay-kahulugan, “Hindi masimulang unawain ng ating mga ninuno ang lahat ng mga dakilang panustos na inihanda ng Diyos! Hndi ito pumasok sa kanilang mga kaisipan, pandinig o imahinasyon. Ngunit walang dahilan para magbulag-bulagan tungkol sa mga bagay na ito, magpatuloy na hindi alamin ang para sa atin. Kailangan makita ng mga mata natin, kailangan marinig ng mga tainga natin, kailangan pumasok sa ating mga puso at isipan—sapagkat tayo ang mga tao na pinaghandaan ng Diyos para sa lahat ng ito! Ipinahayag ito ng Espiritu Santo sa atin!”

Katunayan, sinabi ng Bibliya na kailangang hanapin natin siya para sa pahayag na ito. Isinulat ni Pablo, “Hindi ang espiritu ng sanlibutan kundi ang Espiritu ng Diyos ang tinanggap natin upang ating maunawaan ang mga kaloob niya sa atin…sa mga nagtataglay ng Espiriru, ang ipinaliliwanag nami’y mga katotohanang espirituwal…mga pananalitang turo ng Espiritu…mauunawaan lamang sa paraang espirituwal” (12-14).

Naniniwala ako na maraming Kristiyano ay hindi tapat na humarap sa kapangyarihan ng mga pangako ng Diyos! Nabasa namin ng maraming ulit, ngunit nanatiling patay na liham ang mga ito para sa amin. Hindi namin nahawakan ang mga ito at Sinabi, “Panginoon, ihayag mo sa amin ang iyong mga inihanda! Ibukas ang isipan ko at ang aking espiritu sa iyong mga panustos. Sinabi ng Salita mo kailangang malaman ko ang mga bagay na ito na walang bayad na ibinigay sa akin para maangkin ko sila para sa iyong kaluwalhatian!”