Biyernes, Marso 13, 2009

ISANG KASAGUTAN NG PASTOR SA “ISANG NAPAKAHALAGANG BABALA”

Tungkulin ng isang tunay na propeta ang magbabala. Narinig natin kamakailan ang ganitong babala ng padating na mapanganib na mga araw. Ang propeta ay katulad ng isang tao na nagbababala sa pastol na may padating na mga mapanagpang na lobo.

At ito ay naging tungkulin ng pastol na nararapat na maunawaan ang babala at gabayan yaong mga nasa kanyang pangangalaga para maging handa at ligtas. Hindi ako isang propeta. Isa lamang akong lokal na mangangaral. Tinanong ko ang aking sarili kung ano ang gagawin ko sa aking pagkadinig ng babala mula sa Diyos. Ano ang dapat kong sabihin doon sa mga nasa ilalim ng aking pastoral na pangangalaga?

Una, nais kong marinig ng mga tao ko ng maliwanag ang salita. Kung ano ang sinasabi nito at kung ano ang hindi sinasabi nito? Ang ilan ay nakarinig ng mga sunog at pandarambong at ang mga puso nila ay napuno ng takot. Kailangang bigyan ko ng katiyakan ang aking mga tao na ang Diyos ay laging ganap na may pangangalaga sa lahat ng bagay. Ang Diyos ay makapangyarihan. Walang nangyayari na labas sa kanyang kaalaman at pagsangguni, at ang lahat ay nangyayari para sa kanyang ultimo, at pinakamataas na kaluwalhatian. Kahit na sa pinakamagulong panahon, alam ng ating Diyos ang kanyang ginagawa.

Pangalawa, nais kong malaman ng mga pinaglilingkuran ko ang dalawang bagay tungkol sa poot ng Diyos. Una, ang ilang pinuno ng iglesya ay malungkot na nahulog sa panlilinlang na walang katotohanan ang poot ng Diyos. Sinabi sa Roma 1:18, “Nahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong sumisiil sa katotohanan sa pamamagitan ng kanilang kasamaan.” Ang iba ay kumikilos na hindi makaDiyos, ang iba ay hindi makaDiyos sa kanilang pagsiil tungkol sa katotohanan ng poot ng Diyos. Ang ibang pinuno ay binabawasan, binabalewala at tinutuya pa man din yaong mga nagpapaalala ng katiyakan ng poot ng Diyos. Sinabi rin sa Roma 2:5 sa atin ng maliwanag na ang poot ng Diyos ay para doon sa mga ang puso ay nagmamatigas at ayaw magsisi. Ito ay nagbibigay daan sa pangalawang elemento ng pag-unawa sa poot ng Diyos. Hindi ito kailanman maaring ibuhos sa mga anak ng Diyos. Sa Juan 2:2 “Sapagkat si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin, at kasalanan din ng lahat ng tao.” Ang salitang pagtatakip-sala ay “pagsupil sa poot.” Isang kamangha-manghang grasya, isang kaligtasan! Ang poot ng Diyos sa aking paghihimagsik at kasalanan ay nasupil na sa Krus ni Cristo. Dumarating ang taghirap; pumapatak ang ulan maging sa mga makatarungan ngunit ang poot ng Diyos ay hindi.

Panghuli, kailangan kong gabayan ang mga alaga na ipinagkaloob sa akin na may pagmamahal at katinuan. Kapag may lobo o bagyong padating, ako bilang pastol ay kailangan na alam ko ang kalagayan ng aking mga alaga. Mayroon bang nakaupo sa bakod? Bigyang babala sila na hindi ito ang panahon para sa kompromiso o malapit na pagsanib sa sanlibutan. Ang magsaya sa bahay ng isang taga Egipcio sa gabi ng Pesah (Passover) ay hindi magandang balak. Ito ang panahon na kailangang maging malapit sa Pinunong Pastol. Ito rin ang pagkakataon na tawagin natin yaong mga nasa labas ng tarangkahan. Si Jesus ang Pintuan at binuksan niya ang kanyang puso. Ang kanyang panawagan sa lahat ay lumayo sa poot na padating. Higit pa sa paghalukipkip sa likod ng pintuan na may dalawang kandado o tumakas patungo sa bukiran, ito ay panawagan mula kay Jesus na dalhin mo ang iyong buhay sa kanyang pangangalaga.

Kapag ang propeta ay dumating na may dalang mensahe ng babala, kadalasan ang mga tao ay humihingi sa kanya ng tuwirang payo tungkol sa kung ano ang gagawin kapag nangyari ito. May panahon na, nagbibigay ang Diyos ng salita, ngunit kadalasan ay bahala na ang pastol, at higit pa dito, bahala ang bawat tao ng Diyos na tanggapin ang salita para siya na ang bahala para sa kanyang pamilya. Katulad ng Pastor na siyang nangunguna sa kanyang iglesya, ang tao ng Diyos ay siyang dapat mangalaga sa kanyang sariling pamilya. Kapag may dumating na nagbababala na may padating na mga lobo, hindi niya katungkulan na sabihin kung ano ang gagawin nila. Makaririnig tayo mula sa Diyos. Narinig ni Jose na maghanda ng mga pagkain para sa isang panahon na padating (Genesis 41). Narinig ni Moises na sinabi ng Diyos na tumanggap ng handog mula sa mga taga-Egipcio para sa kanilang paglalakbay (Exodo 12). Tayo man ay makaririnig din mula sa Diyos para sa ating kalagayan. Naririnig ng mga tupa ang tinig ng Pastol.

Si Jesus---sa mga oras na ito, sa bagyong ito---ay hindi lamang gagabayan ang kanyang mga tao at aliwin ang kanyang mga alaga kundi bibigyan niya din ng katatagan, tiwala sa sarili at magkaroon ng puso na maglingkod doon sa mga naguguluhan sa kanilang mga kagipitan. Minsan isang propeta ang nagpunta kay Pablo at nanghula na kung pupunta siya sa Jerusalem siya ay dadakpin at ibibilanggo. Tapat ang propeta na ibigay ang kanyang salita; na kay Pablo na na makarinig mula sa Diyos kung paano niya haharapin ang babalang iyon. Si Pablo, pagkatapos niyang marinig ang hula, ay nagpasiya pa ring magpunta sa Jerusalem---handang ibigay ang buhay niya para sa mabuting balita (Gawa 21). Ilang mga iglesya na nakalagay sa mga lunsod ay mangangailangan ng espirituwal na lakas at simpatiya. Marahil ang karunungan ni Pablo sa Efeso 5:15-18 ay nangungusap ng mga tungkol sa mga kakailanganin nito, “Kaya’t ingatan ninyo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino, at di tulad ng mga mangmang. Sapagkat masama ang takbo ng daigdig, samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo’y makagawa ng mabuti. Huwag kayong mga hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. Huwag kayong maglalasing sapagkat nakasisira iyan ng maayos na pamumuhay. Sa halip ay sikapin ninyong mapuspos ng Espiritu Santo.”