Lunes, Marso 9, 2009

ISANG DAGDAG NA PAHAYAG

“Kung ang pinagsimulan ay mawawasak, ano ang dapat gawin ng mga makatuwiran?”

Kamakailan ako ay napilitang ipadala ang isang NAPAKAHALAGANG pahayag na nagbababala ng padating na malaking kalamidad --- bagay na makababahala at makapanginginig maging sa mga pinili ng Diyos.

Isng Obispo ang nagtanong, “Wala bang dagdag na pahayag: Paano haharapin ng mga makatuwiran ang ganoong pahayag?”

Masasagot ko lamang ito sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kung ano ang pahayag sa aking puso ng Espiritu Santo at kung ano ang gagawin ko. Ibinahagi ko na ako ay binigyan ng direksiyon na maghanda ng mga pagkain na sapat para sa isang buwan---sapagkat nasaksihan ko ang sindak sa panahon ng terorismo. Iyan ay pansariling pahayag sa bawat-isa.

Ito ang narinig ko na ipinahahayag ng Espiritu Santo sa aking puso tungkol sa aking sariling espirituwal na kasagutan sa padating na kalamidad. Ito ay ang simpleng ito lamang --- MAGPAKATATAG AT TINGNAN ANG KALIGTASAN MULA KAY YAHWEH.

Sumagot si Moises, “Lakasan ninyo ang inyong loob; huwag kayong matakot. Tingnan na lamang ninyo kung paano kayo ililigtas ngayon ni Yahweh. Hindi na ninyo makikita uli ang mga Egipciong iyan. Ipagtatanggol kayo ni Yahweh, wala kayong gagawing anuman” (Exodo 14:13-14).

Ito ang anyo ng pananampalataya sa mukha ng kalamidad. Ano ang magagawa ng Israel sa bingit ng Pulang Dagat? Ang hukbo ng Paraoh ay palusob na, mga bundok sa magkabilang panig, at nandoon ang dagat sa harapan. Nagtutumangis sila, “Gumawa ka ng paraan!”

Nagtutumangis sila sa kawalan ng pag-asa. Kaya bang tuyuin ng mga tao ng Diyos ang dagat? Patagin ang bundok? Lumaban sa makapangyarihang hukbo na walang mga sandata? Sila ay nasa kalagayan na kahila-hilakbot, nakasisindak na katayuan. Nanginginig sa takot ang mga tao ng Diyos---at sa sandaling ito ng sindak ay nagmula ang pahayag ng Diyos. May kakanyahan:

“Magpakatatag. Huwag matakot. Ito ang sandali ng kaligtasan. Masasaksihan ninyo ang pagbagsak ng simulain ng isang makapangyarihan sa sanlibutan. Ngunit sa mga sandali ring iyon, ipaglalaban ko kayo. Panghawakan ninyo ang inyong kapayapaan—magpakatatag at tingnan ninyo ang gagawin ko.”

Mga minamahal, ang aking babala ay isang tinig lamang kasama ng marami na nagsasabi ng katulad na mga sinasabi ko. Maaring matakot tayo sa isang panahon, ngunit yaong tunay na nakakakilala sa Diyos ay madaliang aaliwin ng Espiritu Santo. Tayo ay babautismuhan ng isang dakilang kapayapaan—isang sobrenatural na katahimikan—na magiging patotoo sa mga natatakot na nakararami.