Ang Panginoon ay nagpakita kay Abram isang araw at nagbigay ng di-kapani-paniwalang utos: “Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa bayang ituturo ko sa iyo” (Genesis 12:1).
Isang nakakagulat na bagay. Kaginsa-ginsay, pumili ang Diyos ng isang tao at sinabi sa kanya, “Nais ko na ikaw ay tumayo at humayo, iwanan ang lahat: ang iyong tahanan, ang iyong mga kamag-anak, maging ang iyong bayan. Ipapadala kita sa ibang lugar, at ituturo ko sa iyo kung paano mo pupuntahan iyon habang ikaw ay naglalakbay.”
Paano sumagot si Abram sa nakakagulat na salita mula sa Panginoon? “Dahil sa pananalig sa Diyos, tumalima si Abram nang siya’y papuntahin ng Diyos sa lupang ipinangako sa kanya. At humayo siya, bagamat hindi niya alam kung saan paroroon” (Hebreo 11:8).
Ano ang binabalak ng Diyos? Bakit siya maghahanap ng isang tao sa isang bayan, at pagkatapos ay tawagin siya para iwanan ang lahat at maglakbay ng walang mapa, walang direksiyon, hindi alam ang patutunguhan? Isipin ang hinihiling ng Diyos kay Abram. Hindi niya ipinakita kung paano niya pakakainin o itataguyod ang kanyang mag-anak. Hindi niya sinabi kung gaano kalayo ang lalakbayin o kung kailan siya dadating. Dalawang bagay lamang ang sinabi sa kanya sa simula pa lamang: “Humayo ka,” at “Ituturo ko sa iyo ang iyong dadaanan.”
May kakanyahan, sinabi ng Diyos kay Abram, “Mula sa araw na ito, nais ko na ibigay mo sa akin lahat ang iyong kinabukasan. Patuloy kang mamumuhay na inilagay mo ang iyong kinabukasan sa aking mga kamay, isang araw sa bawat sandali. Nais kong ipagkaloob mo ang iyong buhay sa pangako na ibinibigay ko sa iyo, Abram. Kapag ito ay iyong pinanghawakan, pagpapalain kita, gagabayan ka at ituturo sa isang lupain na hindi mo mailarawang-diwa..
Ang kalagayan na itinuturo ng Diyos kay Abram ay ang kalagayan na nais niyang pagdalhan sa bawat bahagi ng katawan ni Kristo. Si Abram ay siyang tinatawag ng mga mag-aaral ng Bibliya na isang “taong huwaran,” isang tao na naglilingkod bilang halimbawa kung paano lumakad sa harap ng Panginoon. Ang halimbawa ni Abram ay nagpapakita sa atin kung ano ang kinakailangan ng lahat na nagnanais na malugod ang Diyos.
Huwag magkamali, Si Abram ay hindi na bata nang siya ay tinawag upang tuparin niya ang kanyang pangako. Maaring mayroon siyang mga plano upang mapangalagaan ang kinabukasan ng kanyang mag-anak, kaya’t kailangan niyang magkaroon ng kinalaman sa maraming pagsasa-alang-alang habang tinitimbang niya ang tawag ng Diyos. Gayunman, “nanalig si Abram, at dahil dito’y kinalugdan siya ni Yahweh” (Genesis 15:6).
Sinasabi ni Apostol Pablo sa atin na ang lahat na nananalig at nagtitiwala kay Kristo ay mga anak ni Abram. At, katulad ni Abram, tayo ay ibinilang na matuwid sapagkat tinanggap natin ang katulad na tawag na ipagtiwala ang lahat ng ating kinabukasan sa mga kamay ng Panginoon.