Huwebes, Mayo 5, 2011

ANG HANGARIN NG DIYOS PARA SA ATIN AY KAPAYAPAAN AT KAPAHINGAHAN

Ang hangarin ng Diyos para sa lahat ng kanyanag anak ay masaganang buhay. Hindi niya hinangad kailanman na tayo ay humarap sa buhay na nakatuon sa ating mga kasalanan at mga kabiguan. Ang mabuting balita ay tayo ay naglilingkod sa Diyos ng ganap na pag-ibig—Diyos na mahabagin na naghahangad na dalhin ang kanyang mga minamahal sa lugar na angat sa lahat ng kaguluhan. Ngunit hindi natin makakamit ang ating karapatang makaupo sa tabi ni Cristo sa kalangitan, hanggang sa tayo ay makilala sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay.

Hindi makakarating sa muling pagkabuhay hanggang hindi nararanasan ang kamatayan sa krus. Inilagay ng Espiritu Santo ang karunungan sa atin na hindi tayo tunay na mabubuhay hanggang sa hindi tayo tunay na namamatay. Mistulang alam natin na tayo ay may pakikipagtipan sa kamatayan, isang destinasyon na may kinalaman sa krus ni Cristo.

Tingnan nating mabuti kung nasaan tayo, na may mga pangamba, kahungkagan, kalungkutan, kabiguan at pakikipagkompromiso sa kasalanan. Isaalang-alang kung gaano kaliit ang pangakong kapayapaan ni Cristo ang tunay na mayroon tayo. Maliit lamang ang kaalamang nakuha natin sa kung paano ang maging isang nakapangingibabaw na Kristiyano, samantalang alam natin ang Salita ng Diyos ay maliwanag na nangungusap ng tagumpay, kapayapaan, at kalayaan mula sa kapangyarihan ng kasalanan. Namasdan natin ang ilan na narating ang magandang buhay na may katiyakan at nais nating itanong: Paano mo narating ang ganoong tagumpay? At iniisip natin kung paano natin mararating yaon.

Kailangang madala tayo ng Espiritu Santo sa krus para maiharap tayo sa tunay na kamatayan sa sanlibutan at kasalanan. Sa sandaling hinanap natin ang Panginoon na may tunay na pagsusumikap na may hangarin na mapasailalim sa kanyang pangangalaga sa lahat ng bagay, tayo ay di mapipigilang palapit sa Espiritu. Dadalhin tayo sa dulo ng ating buhay, hubad, nanghihina, at walang pagtitiwala sa satiling laman.

Ako ay naniniwala na ibinabalik ng Espiritu ang kanyang iglesya sa maluwalhating katotohanan ng pagkakakilanlan kasama si Cristo sa kamatayan, sa pagkabuhay na muli.

ANakakasindak ang kamatayan, lalo na kung hindi mo nakikita ang kaluwalhatian sa kabila nito. Ngunit isinisiguro niya sa atin ang kanyang walang hanggang pag-ibig, sa kabila ng ating mga kabiguan, at binigyan tayo ng kapayapaan at ng kagalakan at pag-asa ng kanyang pagkabuhay na muli.