Lunes, Mayo 9, 2011

ANG PANGINOON ANG IYONG TAGAPANGALAGA

Isang nakapupukaw na kuwento sa Lumang Tipan sa 2 Hari 6 ang naglalarawan kung ano ang kahulugan kung paano pangalagaan ng kapangyarihan ng Diyos.

Si Ben-hadad, hari ng Syria, ay nagdeklara ng pakikidigma sa Israel at naglakad laban sa kanila na kasama ang isang malaking hukbo. Habang ang kanyang mga kawal ay sumusugod, madalas niyang tawagin ang kanyang tagapayong militar sa kanyang pribadong silid para paghandaan ang susunod na stratehiya para sa susunod na araw. Ngunit ang Propetang si Eliseo ay patuloy na nagpapadala ng mensahe sa Hari ng Israel, na dinedetalye ang bawat hakbang ng mga kalaban. Sa katunayan, sa maraming pagkakataon, ang Israel ay nakaiwas sa pagkalupig dahilan sa mga babala ni Elisa.

Galit na galit si Ben-hadad at tinawag na sama-sama ang mga lingkod. “Sabihin ninyo sa akin kung sino ang nagsasab ng ating mga balak sa Hari ng Israel! Sino ang taksil na ito?” Isa sa mga naroon ang sumagot, "Wala po, mahal na hari. Si Eliseo po, ang propeta sa Israel ang nagsasabi sa kanilang hari kahit ang inyong mga lihim na binabalak" (2 Hari 6:12).

Madaliang nagpadala si Ben-hadad ng mga kabayo, mga karwahe at mga kawal para bihagin si Eliseo. “Humayo sa Dothan at dalhin siya sa akin,” ipinag-utos niya. Gabi silang umalis at pinaligiran ang lunsod, hangad na biglaing bihagin ang matandang propeta, kinabukasan ng umaga, lumabas ang katulong ni Eliseo at nakita niya ang maraming kawal, ang mga kabayo at karwaheng nakapaligid sa lunsod. Sinabi niya, "Guro, paano tayo ngayon?"

Sinabi ni Eliseo, "Huwag kang matakot. Mas marami tayong kakampi kaysa kanila." At siya'y nanalangin, "Yahweh, buksan po ninyo ang kanyang paningin nang siya'y makakita." Pinakinggan ni Yahweh ang kanyang panalangin at nakita ng katulong ni Eliseo na ang bundok ay punung-puno ng mga kabayo at karwaheng apoy na nakapaligid kay Eliseo.

Katulad ng Mang-aawit, kayang tumayo ni Eliseo sa gitna ng panganib at sabihin ng may ganap na katiyakan:

• “Sa maraming kalaba'y di ako matatakot, magsipag-abang man sila sa aking palibot” (Mga Awit 3:6).
• “Kahit isang hukbo ang sa aki'y pumalibot, hindi pa rin ako sa kanila matatakot; salakayin man ako ng mga kaaway, magtitiwala pa rin ako sa Maykapal” (Mga Awit 27:3).
• “Ililigtas ako mula sa labanan, at pababaliking taglay ang tagumpay, matapos gapiin ang mga kaaway” (Mga Awit 55:18).

Ang panalangin ko ay katulad ng kay Eliseo: “Panginoon buksan mo ang aming mga paningin nang makita namin at masdan ang mga bundok na puno ng mga kabayo at karwaheng apoy—Diyos na makapangyarihan!”