Huwebes, Marso 10, 2011

PURIHIN ANG DIYOS SA KANYANG MAPAGMAHAL NA KAHABAGAN

Mayroon akong maiksing mensahe para doon sa mga dumadanas ng makirot, nakagagaping katayuan. Hindi ako nangungusap doon sa mga dumadanas ng kapahingahan mula sa paghihirap, sa mga wala sa anumang kagipitan o kalungkutan. Salamat sa Diyos sa mga panahong iyon ng tahimik na kapahingahan.

Sa halip, nakatanggap ako ng maraming liham mula sa mga minamahal na mga tagasunod ni Jesus na namumuhay na mayroong hindi kapani-paniwalang kalungkutan at panahon ng mga kagipitan: paghihiwalay, mga anak na nasa droga o nakabilanggo, namatayan ng asawa. Isang babae na lubos na may pag-ibig sa Panginoon ay nagdadalamhati sa pagkamatay ng tatlo niyang anak, na namatay sa sunog. Isang pastor na nagdadalamhati para sa kanyang asawa, na iniwan siya at ang mga anak niya na ipinagpalit sila sa isang tomboy na mangingibig. Ito ay patuloy na nagpapatuloy, habang maraming makadiyos na mga tao ay may dalahing mga kalungkutan at kirot.

Mayroon akong mensahe sa inyo na nagdudusa ng kalungkutan, nagdadalamhati o nabubuhay sa kirot. Sa Awit 40, dumaing si David, “Kay rami na nitong mga suliranin na sa karamiha’y di kayang bilangin…sana’y iligtas mo ako, Panginoon! Ngayo’y gawin mo na ang iyong pagtulong” (Awit 40:12-13). “Silang lumalapit sa iyo’y dulutan ng ligaya’t galak na walang kapantay…Mahina man ako at wala nang lakas, ngunit sa isip mo’y di mo kinakatkat. O aking katulong at Tagapagligtas – Yahweh, aking Diyos, h’wag kang magluwat!” (Awit 40:16-17).

Labis akong pinagpala at inaliw sa isang linyang ito sa talatang 17: “Sa isip mo’y di mo kinakatkat.” Isipin mo ito. Ang Panginoong Diyos na lumikha ng lahat ng bagay, ang Diyos ng sansinukuban, ay iniisip ang tungkol sa akin.

Maging sa ngayon, sa mga oras na ito, ang isipan niya ay tungkol sa iyo, sa sandali ng iyong pangangailangan.

Nang ang Israel ay nasa pagkakabihag sa Babilonya, nagluluksa sa pagkawala ng mga tahanan at mga kaanak, pinagtitiisang pagdadalamhati at kagipitan, nagbigay ng salita ang Diyos para sa kanila sa pamamagitan ni Jeremias: “Ako lamang ang nakaaalam ng mga panukalang inihahanda ko para sa ikabubuti ninyo, at para dulutan kayo ng pag-asa sa hinaharap” (Jeremias 29:11). Sinabi ng Diyos sa kanyang mga tao, “Kung maganap na ito, kayo’y tatawag, lalapit at dadalangin sa akin, at diringgin ko naman kayo. Ako’y hananapin ninyo’t masusumpungan kung buong puso ninyo akong hahanapin”

Hindi galit ang Diyos sa inyo. Banal na mga tao ay nagkakasakit, kaya’t huwag mag-alinlangan sa pananalig sa kanya. Sa panahon ng kagipitan at damdamin ng kalungkutan at pagdadalamhati, magtungo sa pananalangin. Ibuhos ang puso mo sa Panginoon. Iniisip ka niya – at siya ay kumikilos para sa iyo.