Palaging ninanais ng Diyos ang mga tao na maglalakad na lubusang nagtitiwala sa kanya sa harapan ng paningin ng sanlibutan. Iyan ang dahilan kung bakit niya pinili ang isang di mahalagang bansang Israel at inihiwalay sa ilang. Inilalagay niya ang mga ito sa paaralan ng pagsubok, para makapagbunga ng mga tao na magtitiwala sa kanya anuman ang kalagayan nila. Nais niyang magpatotoo ang Israel, “Malalampasan ko kahit anong pagsubok, kahit anong kagipitan, maging yaong higit sa kakayanan ko. Paano? Alam ko na ang Diyos ko ay kasama ko sa bawat pagsubok. Palagi niya akong ililigtas sa mga ito.”
Isaalang-alang ang pahayag ni Moises sa Israel: “…ginutom niya kayo bago binigyan ng manna” (Deutoronomio 8:3). Sinasabi ng Panginoon sa kanila; “Inayos ko ang iyong pagsubok. Hindi ng diyablo. Ako ang may hawak ng lahat ng tinapay at karne na kailangan mo sa buong panahong iyon. At ako ay nakahanda na ibagsak ito mula sa langit anumang sandali. Ang lahat ng ito ay nakatago, naghihintay sa iyo na tanggapin mo ito . Ngunit pinigilan ko itong pansamantala. At ginawa ko ito sa isang panahon. Hinihintay ko na dumating ka sa katapusan ng lahat ng iyong pagtitiwala sa sarili. Nais kong dalhin ka sa isang punto ng iyong kagipitan, na kung saan ay ako lamang ang makapagliligtas sa iyo. Hinayaan ko na maranasan mo ang dulo ng iyong kagipitan, isang kalagayan ng kahinaan ng isang tao. At nangangailangan ito ng himala ng kaligtasan mula sa akin.”
Ngayon, ang Panginoon ay naghahanap pa rin ng mga tao na lubusang magtitiwala sa kanya. Nais niya ng isang iglesya na magpapatotoo sa salita at gawa na ang Diyos ay ang pinakamakapangyarihan para sa kanila. Nais niya na ang hindi ligtas na sanlibutan na makita na siya ay makapangyarihang kumikilos para doon sa mga umiibig sa kanya.
Ipinahayag ni Job, “Ngunit batid ng Diyos ang aking bawat hakbang; kahit na subukin n’ya, ako’y parang gintong lantay” (Job 23:10). Narito ang isang di-kapani-panilwalang pahayag, lalo na kung isasa-alang-alang ang kahulugan ng tinutukoy ni Job.
Si Job ay nagdusa ng pinakamatinding pagsubok na di makakayanan ng isang pangkaraniwang tao lamang. Nawala ang kanyang mga anak sa isang kahila-hilakbot na sakuna, at pagkatapos ay nawala ang kanyang kayamanan at mga ari-arian. Sa huli ay nawala ang kanyang malusog na pangangatawan. At ang lahat ng ito ay nangyari sa maiksing panahon lamang, na ang mga ito ay lubusang nakapuksa.
Gayunman, inilagay ng Diyos si Job sa kanyang daraanan. At ang Panginoon lamang ang nakaaalam kung saan ito patutungo. Ito ay isang binalak na banal na sinadya na maging si Satanas ay pinayagan ng Diyos na lalo pang palubhain ang kalagayan ni Job. Iyan ang dahilan kung bakit hindi nakita ni Job ang Diyos sa mga pangyayaring ito: “Sa dakong silangan, hindi siya matagpuan; wala rin siya sa gawing kanluran. Di ko rin makita sa dakong hilagaan, sa bandang timog wala ni bakas man. Ngunit batid ng Diyos ang aking bawat hakbang; kahit na subukin n’ya, ako’y parang gintong lantay” (Job 23:8-10).
Sinasabi ni Job, :”Alam ko na batid ng Diyos ang lahat ng aking pinagtitiisan. At alam niya ang daan palabas sa lahat ng ito. Ang Panginoon ko ay sinusubok ako ngayon. At nagtitiwala ako na ililigtas na may matatag na pananalig. Lalabas akong napurga at nalinis, na may pananampalataya na mamahalin na katulad ng ginto.”