Walang sinuman ang maaring maglagay sa iyo sa ministeryo. Maaring bigyan ka ng diploma mula sa seminaryo, ordinahin ng isang Obispo, o italaga ng isang denominasyon. Ngunit ipinahayag ni apostol Pablo na ang tanging pinanggagalingan ng anumang tunay na tawag para sa isang ministeryo: “Nagpapasalamat ako kay Cristo Jesus na ating Panginoon, na nagbigay sa akin ng lakas para sa gawaing ito, sapagkat ako’y minarapat niya at hinirang na maging lingkod” (1 Timoteo 1:12).
Ano ang ibig sabihin ni Pablo dito nang sinabi niya na siya ay minarapat niya at hinirang bilang isang tapat? Muling isipin ang pagbabago noon ng apostol. Tatlong araw pagkatapos mangyari yaon, inilagay ni Cristo si Pablo sa ministeryo---lalo na, sa ministeryo ng pagdurusa: “At ipaaalam ko sa kanya ang lahat ng dapat niyang tiisin alang-alang sa akin” (Gawa 9:16). Ito ang mismong ministeryo na siyang tinutukoy nang sinabi niya “Dahil sa habag ng Diyos, hinirang niya ako para sa gawaing ito kaya naman malakas ang aking loob” (2 Corinto 4:1). Tinutukoy niya ang ministeryo ng pagdurusa. At niliwanag niya na ito ang miniseryo na lahat tayo ay mayroon.
Sinasabi ni Pablo na binigyan siya ni Jesus ng pangako para sa ministeryong ito. Ipinangako ni Cristo na mananatili siyang tapat sa kanya at makakayanan niya ang lahat ng kanyang pagsubok. Ang salitang Griyego para sa minarapat ay nagangahulugan na “patuloy na bibigyan ng lakas.” Ipinahayag ni Pablo, “Ipinangako ni Jesus na bibigyan ako ng sapat na lakas para sa paglalakbay. Minarapat niya akong manatiling tapat sa ministeryong ito. Dahil sa kanya, hindi ako mahihimatay o bibigay. Aahon ako na may patotoo.”
Isang pagbabagong-anyo ang nangyayari ngayon sa ating mga buhay. Ang katotohanan ay, binabago tayo ng kung ano ang pinagkakaabalahan natin. Tayo ang nagiging katulad ng bagay na siyang laman ng ating mga isipan. Ang ating katauhan ay nahihikayat at binubunggo ng kung anuman ang may hawak sa ating mga puso.
Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa lahat ng naglalagay sa isipan at espiritu nila ng mga espirituwal na mga bagay. Ang mga ganitong mga lingkod ay ipinako ang kanilang mga mata sa mga bagay na dalisay at banal. Ipinako nila ang kanilang tingin kay Cristo, gumugugol ng makabuluhang sandali na sumasamba sa kanya at pinatatatag ang sarili nila sa pananamapalataya. Ang Espiritu Santo ay kumikilos sa mga banal na ito, patuloy na binabago ang katauhan nila kay Cristo. Ang mga mananampalatayang ito ay magiging handa para sa mga mahihirap, sumasabog na pagdurusang darating. Ang mga may pagka-batugan, katamaran, mga hindi nananalanging mananampalataya ay magdurusa ng sakit sa puso o mahihimatay. Dudurugin sila ng kanilang mga luha, sapagkat wala ang Espiritu Santo na kumikilos sa kanila, pinagbabagong-anyo sila. Kapag dumating ang taghirap na panahon, hindi nila makakayanan ito.
Narito ang panghuling pahayag ni Pablo sa paksang ito: “Iniiwasan kong makagawa ng anumang ipagdaramdam ninuman upang hindi mapulaan ang aking paglilingkod. Sa halip, ipinakikilala ko sa lahat ng paraan na ako’y lingkod ng Diyos: sa pagtitiis ng kahirapan, kapighatian, at mga kagipitan. Ako’y hinagupit, ibinilanggo at binugbog. Naranasan ko ang magtrabaho nang labis, ang di matulog magdamag, ang di kumain ilang araw…Inaring hapis na hapis, gayunma’y laging nagagalak; mukhang mahirap, ngunit nagpapayaman sa marami; waring walang-wala, ngunit akin ang lahat ng bagay” (2 Corinto 6:3-5,10). Paano natin pinayayaman ang marami? Sa pamamagitan ng pagliliwanag sa pag-asa kay Cristo sa gitna ng ating mga pagdurusa. Inaalok natin ang tunay na yaman kapag may humingi nito sa atin, “Ano ang kanyang lihim? Saan niya nakukuha ang ganoong uri ng kapayapaan?”