Biyernes, Disyembre 3, 2010

GUMAGAMIT ANG DIYOS NG TAO PARA IPAHAYAG ANG KANYANG SALITA

Sa aking palagay ang mas maraming Kristiyano ay nagnanais na tumakas patungo sa ligtas na lugar, sa isang tahimik na pagtataguan sa bundok para makaiwas na madumihan ng mga kasalanang nakapaligid sa kanila. Marami ang nawawalan ng pag-asa, sinasabing “Ano ang magagawa ng isang Kristiyano dito sa pagbagsak ng moralidad? Ano ang magagawa ng isang iglesya dito sa napakalaki, nagwawala at makasalanang siyudad? Sapat nang basta nasa tabi ako ni Jesus para hindi ako maanod ng baha.”

Ang iniisip ng iba, “Mayroon ba talaga akong magagawa—ang isang walang kabuluhang Kristiyanong katulad ko? Wala akong salapi, walang pinag-aralan, walang impluwensiya—kundi may isang dakilang pag-ibig kay Jesus!

Madalas nating inaasahan ang Diyos na kikilos sa isa sa dalawang pamamaraan: Sa paamagitan ng sobrenatural na pagbuhos ng Espiritu Santo para walisin ang lahat patungo sa kanyang kaharian, o kaya ay pagpapadala ng paghahatol sa tao para paluhurin sila.

Ngunit, minamahal, hindi iyan ang paraan ng Diyos para baguhin ang mga bagay sa isang makasalanang panahon. Ang paraan niya ng pagtatatag muli ng mga gumuho ay palaging gumamit ng mga pangkaraniwang mga lalake at babae na kanyang hinipo. At ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagpuspos ng Espiritu Santo at ipadala sila sa digmaan na may dalang matibay na pananamapalataya at kapangyarihan!

Ang Diyos ay nagtatayo ng isang banal na ministeryo ng mga lalaki na ganap na sumuko sa Salita at pananalangin. Hindi nila ito ipinangangalandakan kahit kanino. Sila ay mapag-alagang mga lalake at babae na may mga pusong pinukaw, na walang balak sa isipan kundi ang hanapin, makinig, at sumunod sa Diyos!

Sumunod, ang Diyos ay tinatawag ka sa pangmadaliang paglilingkod. Kailangan niya ng pangkaraniwang tao, taong malapit sa Diyos! Ginagamit niya ang tao na siyang tinatawag ng dakilang saserdote na, “walang pinag-aralan at mga mangmang” (Gawa 4:13).

Sinasabi rin ng Bibliya na doon sa Itaas na Silid sa Pentekostes, “At silang lahat ay nangapuspos ng Espiritu Santo” (Gawa 2:4). Ang lahat ay naging makapangyarihan sa pakikipagdigmaan at ang lahat ay malakas ang loob, mga malalakas na saksi! Ang mga puspos ng Espiritung mga mananampalatayang ito ay hindi kinabibilangan lamang nina Pedro, Santiago, Juan at ng iba pang mga kilalang disipulo kundi pati na ang mga balo, mga kabataan, mga katulong at kasambahay!

Alam natin na si Esteban ay puspos ng Espiritu Santo—“puspos ng biyaya at ng kapangyarihan” (Gawa 6:8). Hindi siya isang apostol o inordinang ministro. Sa katunayan, siya ay piniling maghanda sa mesa sa iglesya para ang mga disipulo ay maibigay ang sarili nila sa pananalangin at sa ministeryo ng Salita.

Si Esteban ay isang pangkaraniwang tao na puspos ng Espiritu Santo! Maari kang maging saksi ng Diyos sa iyong lunsod. Gumagamit siya ng mga tao na nagtutungong mag-isa sa kanya, na may pinukaw na puso, hinahanap siya sa pananalangin—at humahayong katulad ni Esteban, puspos ng biyaya at kapangyarihan!