Martes, Disyembre 28, 2010

DUMARAAN SA PAGKATUYOT

Kahit na ako ay nangangaral sa libu-libo, may panahon na nadarama ko ang pagkatuyo, malayo mula sa mainit na presensiya ng Diyos. Kapag ako ay tuyo at hungkag, wala akong pakiramdam ng pagkagutom para magbasa ng Salita at maliit ang hangad na manalangin. Alam ko na ang pananampalataya ko ay buo at ang pag-ibig ko kay Jesus ay matatag, at wala akong pagnanais na tikman ang mga bagay ng sanlibutang ito. Ito ay ang hindi ko mahipo ang Diyos ng mga ilang araw, maging mga linggo.

Nakita mo na ba ang ibang Kristiyano na pinagpapala habang ikaw ay walang nararamdaman? Nagpapatotoo sila ng mga kasagutan sa kanilang mga dalangin at lumuluha sa kagalakan. Mukha silang naninirahan sa tuktok ng bundok na may maliligayang karanasan habang ikaw ay gumagayod lamang, iniibig si Jesus ngunit hindi pinag-aapoy ang sanlibutan.

Naniniwala ako na ang lahat na tunay na mananampalataya ay dumaranas ng tagtuyot sa ibat-ibang panahon sa kanilang mga buhay Kristiyano. Maging si Jesus ay nadama ang pagkakabukod ng siya’y dumaing ng malakas, “Ama, bakit mo ako pinabayaan?”

Kung wala ang pagkakalapit sa Diyos, hindi magkakaroon ng kapayapaan. Ang pagkatuyot ay mapipigilan lamang kung may hamog ng kanyang kaluwalhatian. Ang kawalan ng pag-asa ay mawawala lamang sa katunayan na ang Diyos ay sumasagot. Ang apoy ng Espiritu Santo ay kailangang pag-initin ang isipan, katawan at espiritu.

May panahon na nadarama kong ako ay hindi karapat-dapat, katulad na pinakamasamang uri ng makasalanan, ngunit kahit na ganoon, alam ko na hindi siya malayo. Kahit paano naririnig ko ang natatanging, maliit na tinig na tumatawag, “Halika, anak ko. Alam ko ang lahat ng nararanasan mo. Iniibig pa rin kita at hindi kita iiwan o pababayaan man. Haharapin natin itong magkasama sapagkat ako pa rin ang iyong Ama at ikaw pa rin ang aking anak.” Mayroong apoy sa akin na hindi mawawala at alam ko ilalabas niya ako sa pagkatuyot.

“Pagkat ito ang bayan na kanyang hinirang. Si Jacob na itinanging maging kanya lamang. Sila’y natagpuan niya sa ilang lupaing halos walang mabuhay na halaman. Sila’y kinandili at pinatnubayan nang buong tiyaga at pagmamahal” (Deutoronomo 32:9-10).

“Narito at masdan ang nagawa ko’y isang bagong bagay na hanggang sa ngayo’y di mo mamasdan. Ako’y magbubukas ng isang landasin sa gitna ng ilang, maging ang disyerto ay patutubigan. Ako’y igagalang niyong mga hayop na pawang mailap, gaya ng avestrus at ng asong-gubat; ang dahilan nito, sa disyerto ako’y nagpabukal ng saganang tubig para may mainom ang aking hinirang” (Isaias 43:19-20).