Miyerkules, Pebrero 24, 2010

WALANG DUNGIS O KULUBOT

Ang iglesya ni Kristo ay hindi kailanman pinagtibay o tinanggap ng sanlibutan. At hindi ito mangyayari kailanman. Kung nabubuhay ka para kay Kristo, hindi mo kailangang humiwalay sa ibang kasamahan; sila ang gagawa nito para sa iyo. Ang gagawin mo lamang ay ang mabuhay para sa kanya. Bigla na lamang, makikita mo ang iyong sarili na inaalimura, ipinagtatabuyan, tinatawag na diyablo: Mapalad kayo kung dahil sa Anak ng Tao kayo’y kinapopootan, ipinagtatabuyan at inaalimura ng mga tao, at pati inyong pangalan ay kinasusuklaman” (Lucas 6:22).

Gayunman, idinagdag ni Hesus, ito ang daan sa tunay na kapunuan. “Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon” (Mateo 16:25). Sa ibang salita: “Ang tanging paraan upang makita mo ang kahulugan ng buhay ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng lahat ng iyo para sa akin. At doon mo makikita ang tunay na kagalakan, kapayapaan at kasiyahan.” Sinasabi ni Kristo sa atin, “Ang aking iglesya ay walang dungis o kulubot. Kaya’t kung lalapit ka sa akin kailangang nakahanda kang talikdan ang lahat ng iyong mga kasalanan. Kailangang isuko mo ang lahat sa akin, lubusang mamatay para sa sarili, hindi makadiyos na hangarin,at pagkamaka-ako. Sa pamamagitan ng pananalig, malilibing kang kasama ko. Ngunit bubuhayin kita sa panibagong buhay.

Isipin kung ano ang kahulugan ng walang dungis o kulubot. Alam natin na ang dungis ay mantsa. Ngunit ano ang tungkol sa kulubot? Narinig mo na ba ang pariralang, “bagong kulubot”? Ang ibig sabihin nito ay ang magdagdag ng bagong kaisipan sa nanatiling kaisipan. Ang kulubot, sa kamalayan nito, ay ginagamit doon sa mga sumusubok na pagbutihin ang ebanghelyo. Ito ay nagmumungkahi ng madaling paraan upang marating ang langit, ng walang ganap na pagsuko kay Kristo.

Iyan ang uri ng ebanghelyo na ipinangangaral sa maraming iglesya ngayon. Ang mga sermon ay nakatutok lamang kung paano makakamit ang mga pangangailangan ng tao. Habang binabasa ko ang salita ni Hesus, nakita ko na ang ganitong uri ng pangangaral ay hindi maaari. Hindi nito magagampanan ang tunay na gawain ng ebanghelyo.

Huwag bigyan ng maling kahulugan: Hindi ako laban sa pangangaral ng kaaliwan at kalakasan sa mga tao ng Diyos. Bilang pastol ng Panginoon, ako ay tinawag upang gawin ang mga bagay na iyan. Ngunit kung ako ay mangangaral lamang sa pangangailangan ng mga tao, at ipagwalang-bahala ang pagtawag ni Kristo na iaalay ang ating mga buhay, kung ganon ang tunay na pangangailangan ay hindi makakamit. Ang salita ni Hesus ay malinaw: Ang ating mga pangangailangan ay makakamit sa pamamagitan ng pag-aalay ng ating buhay at pasanin ang kanyang krus.