Martes, Enero 3, 2012

ANG LUMAYO AT MAKALIMOT

Ang mensahe ng Espiritu Santo sa babaing pakakasalan ni Cristo sa Awit 45 ay: “Ang lahat mong kamag-anak at ang madla ay limutin” (t. 10). Ang maliit na tinig na ito ay bumubulong, “Hindi sapat na iwan mo ang iyong nakaraan. Kailangang kalimutan mo din ito—alisin mo ito sa iyong isipan—lahat ng nakalipas na pag-ibig at mga nakahadlang!”

ang mensahero dito ay nagsasabi sa babaing pakakasalan, “Binibilang mo ba ang halaga habang naghahanda ka na makasama Siya? O baka naman labas lamang sa bibig pagkatapos ng kasalan? Sinimulan mo na ba ang pag-aalay sa sarili mo na handa kang tapusin o iniisip mo pa rin ba ang nakaraan mo—mga dating kaibigan, mga dating gawi, mga dating pag-ibig? Kapag ikaw ay humanda na sa kasalang ito, hindi mo lang kailangang iwan ang iyong nakaraan, kailangang ganap mo itong kalimutan!”

Kapag si Jesus ay nangusap ng tungkol sa ilang mga “hindi niya tatalikuran ang lahat sa kanyang buhay” (Lucas 14:33), Siya ay nangungusap noong mga tumalikod sa kanya at kumapit sa diyus-diyosan. Ang diyus-diyosan ay mga bagay na siyang tanging ating tinututukan—anumang bagay na humahawak sa ating panahon, atensyon, pananalapi, pag-ibig, mga kinagigiliwan.

Maraming mga asawa ay maaring magsabi na sila ay mabuting taga-tustos ng mga pangangailangan. Matiyaga at masipag silang naghanapbuhay, hindi nag-aaksaya ng salapi at gumugugol ng mga mahahalagang sandali na kasama ang kanilang mga mahal sa buhay. Ngunit gaano ang panahon na ginugugol nila kay Jesus? Mayroon ba silang tinatawag ko na “pagtalikod at paglimot na sandali”—sandali sa isipan nila na iniiwan nila ang lahat, nagbibigay ng sandali na kasama si Jesus lamang? Ito ay ang sandali na kinakalimutan nila ang lahat ng laman ng isipan nila tungkol sa trabaho, mga mahal sa buhay, mga anak at sinasabi na, “Ito ay sandali na para sa iyo Jesus. Ako ay sa Iyo lamang ngayon!”

Ang problema ay hindi ang negosyo o kaanak o hanapbuhay. Sa halip, ito ay “pag-lalaro ng isipan”—walang direksyong naglalaro ang isipan at nag-aaksaya ng panahon. Marami sa mga tao ng Diyos ay inuubos ang kanilang panahon na nagpapaikot-ikot ng walang direksyon—nag-aaksaya ng panahon na kasama ang kanilang mga kaibigan na walang ginagawa o nasa harapan ng telebisyon. Marami tayong inaaksayang mahahalagang sandali at ating kinaliligtaan ang ating Panginoon at Tagapagligtas!

Ngayon nais kong makipag-usap sa inyong mga asawa: Ibinigay ninyo sa inyong mga asawa at mga anak ang pinaka mainam na bahagi ng inyong buhay. Kayo ay masipag at tapat at mabuti ninyong inaalagaan ang inyong mga mahal sa buhay. Gayunman, gaano kahaba ang panahon ng “pagtalikod at paglimot” ang ibinibigay niyo kay Jesus? Ilang oras sa isang linggo ninyo isinasara ang mundo at lumalapit sa Kanya?

Marahil ang Panginoon ay lubhang mapanibugho sa iba ninyong pag-ibig at pinag-uubusan ng panahon at atensyon. Ang lumang kasabihan ay totoo: Hindi ang “masama”ang kalaban ng mga Kristiyano, kundi ang “mabuti.” Ito ay ang mga mahal sa buhay, trabaho, mga anak. Gayunman ang mga bagay na ito ay hindi humahadlang sa pagitan natin at ng Panginoon kundi ang pag-aaksaya ng panahon!

Ngayon ang Panginoon ay nakatayo sa ating harapan, at nagtatanong: “Iniibig mo ba ako ng higit sa mga ito?” (Juan 21:15)