Nanalangin si David, “O Diyos, ako’y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod, ang hangad ko ay maligtas kaya sa ‘yo dumudulog” (Awit 16:1). Ang salitang Hebreo na ginamit ni David dito para sa iningatan sa talatang ito ay punung-puno ng kahulugan. Sinasabi nito, na may kakanyahan, “Lagyan mo ng harang sa paligid ko, pader ng mga tinik. Bantayan at ingatan ako. Masdan ang bawat kilos ko, lahat ng pagdating at patutunguhan ko.”
Lubos na naniniwala si David na iniingatan ng Diyos ang mga matuwid. At sinabi ng Kasulatan na si David ay tinulungan at iningatan sa lahat ng kanyang mga gawi. Ipinahayag ng pinagpalang lalaki, “Ang tagapagtanggol ng bayang Israel, hindi natutulog at palaging gising! Ang Diyos na si Yahweh, ay palaging magbabantay, laging nasa piling, upang magsanggalang. Di ka magdaramdam sa init ng araw, kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan. Sa mga panganib ikaw’y ililigtas nitong Panginoon, siya’y mag-iingat”(Awit 121:4-7).
Ang katulad na salitang Hebreo para sa iningatan ay lumabas din sa talatang ito. Minsan pa, si David ay nangusap ng banal na hadlang ng Diyos, isang sobrenatural na pader ng pag-iingat. Tiniyak niya sa atin, “Nakatingin ang Diyos sa inyo saan man kayo magtungo.”
Katunayan, ang Panginoon ay kasama natin sa lahat ng lugar: sa trabaho, sa simbahan, habang tayo ay namimili. Siya’y kasama natin sa sasakyan, sa mga bus, sa mga daan sa ilalim. At sa mga sandaling ito, sinasabi ni David, iniingatan tayo ng Diyos mula sa mga diyablo. Sa madaling sabi, ay pinangangalagaan tayo ng Diyos sa lahat ng bagay. Ipinangako niya na hahadlangan niya bawat maaring gamiting sandata laban sa kanyang mga anak.
Sa bawat panahon, napatunayan ng Diyos natin na siya ay tagapangalaga ng kanyang mga tao. Gayunman, sa anong layunin? Bakit pinipilit ng Panginoon na ingatan tayo? Nakita natin ang pahiwatig sa mga salita ni Moses: “Ibinigay niya sa amin ang Kautusan at mga tuntuning ito upang magtaglay kami ng takot sa kanya. Sa gayon, kami’y mapapanuto at iingatan niyang tulad na ginagawa niya sa atin ngayon” (Deutoronomo 6:24).
Isipin ang lahat ng pamamaraan na ginamit ng Diyos sa pag-iingat sa kanyang mga piniling bayan, ang Israel. Pinangalagaan niya sila mula sa sampung salot sa Egipto. Iniligtas niya sila mula sa mga hukbo ng Faraon sa Pulang Dagat. Pinagaling niya sila mula sa mga tuklaw ng mga makamandag na ahas sa disyerto. At nagpatotoo ang mga tao tungkol sa mapag-ingat na kapangyarihan ng Diyos sa kanilang mga anak at mga apo. “Iniligtas kami ng Panginoon mula sa aming mga kaaway. Binigyan niya kami ng pagkain at inumin, at iningatan ang aming mga damit para hindi maluma. Iningatan niya ang Israel sa lahat ng bagay.”
Ngunit yaon lamang bang mga patotoo mayroon ang mga taga Israel? Ang mga tao bang ito ay naingatan at napangalagaan para lamang mamatay sa ilang? Ipinahayag ni Moises, “Inialis niya kami sa Egipto upang dalhin sa lupaing ipinangako niya sa ating mga ninuno” (Deutoronomo 6:23). Sinasabi ni Moises sa Israel, “Tingnan ninyo ang lahat ng mahimalang pamamaraan ng Diyos na nagpalaya sa inyo mula sa inyong pagkakagapos. Ano sa palagay ninyo ang bagay na iyon? Bakit sa palagay ninyo kayo ang pinili at minarkahan bilang mahahalaga mula sa pagkakatatag ng sanlibutan?
Kayo ay iningatan ng Diyos para madala sa isang lugar. Nais niyang may maganap na bagay sa inyong mga buhay higit pa sa mga himala. Iningatan ng Panginoon ang mga taga Israel at naglagay ng harang sa paligid nila para sa isang tiyak na layunin: upang madala kayo sa isang lugar ng kapakinabangan. Itinuturo sila ng Panginoon sa ipinangakong lupain, isang lugar na hantungan.