Sapagkat iniibig kayo ng Diyos, kikilos siya para linisin kayo. Ngunit ito ay may pag-ibig na pagkastigo doon sa mga nagsisi at bumalik sa kanya. Maaring madama ninyo ang palaso ng Diyos sa inyong espiritu dahil sa inyong mga nakalipas at kasalukuyang mga kasalanan, ngunit kung may puso kayong nagsisisi at nais tumalikod sa pagkakasala, maari kayong tumawag sa kanyang may pag-ibig na pagkastigo. Kayo ay itatama—ngunit may kasamang dakilang pagkaawa at habag. Hindi ninyo madadama ang kanyang poot na katulad ng mga makakasalanan, kundi ang palo ng kanyang pagdisiplina, na ginamitan ng kanyang mapagmahal na kamay.
Maaring ang inyong pagdurusa ay nanggaling sa paggawa ng mga maling pagpapasiya. Ilang mga kababaihan ang nagdurusa sapagkat pinakasalan nila ang mga lalaking nagbabala ang Diyos na huwag nilang pakasalan? Ilang mga anak ang sinaktan ang puso ng kanilang mga magulang, nagdala sa kanila sa dulo ng kanilang mga lubid? Gayunman ang nga ito ay nangyari dahil sa mga kasalanan, pagpapabaya at kompromiso ng kanilang mga magulang sa mga nakalipas na taon.
Kapag umabot ka na sa pinakamababang punto ng iyong buhay, ito ay panahon na para hanapin ang Panginoon sa iyong mga kabiguan, pagsisisi at pananampalataya. Panahon na para tanggapin ang bagong pagpupuno ng lakas ng Espiritu Santo. Panahon na para manumbalik at magpalakas. Para mag-umapaw ang espirituwal na lakas sa kalooban mo.
Tingnan mo, kapag tumawag ka sa Diyos, ibubuhos niya ang kanyang lakas para sa iyo: “Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo, sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako…Kahit ako’y nababatbat ng maraming suliranin, ako’y walang agam-agam panatag sa iyong piling. Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway. Ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay. Yaong mga pangako mo ay handa mong tupding lahat, ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo’y di kukupas, at ang mga sinimulang gawain mo’y magaganap” (Awit 138:3, 7-8).
Ang isa sa mga pinakamahirap na bagay na di kayang tanggapin ng mga Kristiyano ay ang pagdurusa ng mga makatuwiran. Hanggang sa panahon ni Cristo, iniugnay ng mga Hudyo ang kaunlaran at magandang kalusugan sa pagiging maka-Diyos. Naniniwala sila na kapag ikaw ay mayaman, nasa mabuting kalusugan o kaya’y pinagpapala, ito’y dahilan sa ang Diyos ay nagpapakita na siya ay nalulugod sa iyo. Ito ang dahilan kung bakit ang mga alagad ni Jesus ay nahirapang unawain ang kanyang pahayag na “Madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman” (Mateo 19:24). Nagtaka ang mga alagad nang marinig ito, kaya’t naitanong nila, “Kung gayon, sino po ang maliligtas?”
Katulad sa panahon ngayon, mayroong maling doktrina na nagsasabing kung ikaw ay may pakikipagkasundo sa Diyos ay hindi ka magdurusa; tumawag ka lang sa Diyos at patakbo siyang darating para lutasin agad ang lahat ng madalian. Ngunit hindi ito ang magandang balita! Ang mga bayani ng mananampalataya na nakatala sa Hebreo 11 ay naglalakad na may malapit na kaugnayan ng pananalig sa Diyos at sila’y nagdusa sa pambabato, pangungutya, pagpapahirap at marahas na kamatayan (t. 36-38).
Nais ng Diyos na magtanim sa atin ng ilang bagay sa ating mga puso sa pamamagitan ng mga paglilitis at mga pagsubok. Nais niyang makaya nating sabihin na, ” Panginoong Jesus, ikaw ang aking Tagapag-tanggol, at naniniwala ako na ikaw ang namamahala sa mga nangyayari sa aking buhay. Kung may mangyayari sa akin, ito’y dahilan sa ito ay pinayagan mo, at nagtitiwala ako sa iyong dahilan sa paggawa nito. Tulungan mo akong maunawaan ang aral na nais mong matutunan ko sa mga bagay na ito. Kung ako’y lalakad sa katuwiran at mayroon akong kagalakan mo sa aking puso, kung ganon ang aking pamumuhay at kamatayan ay magdadala ng kaluwalhatian sa iyo. Nananalig ako na ikaw ay mayroong inihandang kaluwalhatian, ilang walang-hanggang layunin na hindi kayang unawain ng aking may hangganang kaisipan. Ngunit kahit ano pa ang mangyari, sasabihin kong, ‘Jesus, kahit na mamatay o mabuhay ako, ako’y iyo!”