Huwebes, Pebrero 12, 2009

ANG PANGAKO KO LAMANG ANG IYONG KAILANGAN

Ang pananampalataya ay mapaghanap. Hinihingi nito na kapag nadinig na natin ang Salita ng Diyos, kailangang sundin natin ito, na walang kailangang patunay para mabigyan ng direksyon. Hindi mahalaga kung gaano kalaki man ang nakahadlang, gaano kaimposible ang sitwasyon. Kailangang maniwala tayo sa kanyang Salita at gawin ito, na walang nagpapatunay para magpatuloy. Sinabi ng Diyos, “Ang pangako ko lamang ang iyong kailangan.”

Katulad ng lahat ng salinlahi bago pa sa atin, nagtataka din tayo, “Panginoon, bakit ako humaharap sa ganitong pagsubok? Ito’y hindi abot ng aking pang-unawa. Hinahayaan mo ang maraming bagay sa aking buhay na walang saysay. Bakit walang paliwanag sa lahat ng aking pinagdadaanan? Bakit lubos na magulo ang aking Espiritu, punung-puno ng mga mabibigat na pagsubok?”

Pakinggan mo akong muli. Ang hinihiling ng pananampalataya ay ganap na di-makatuwiran sa buong sangkatauhan. Kaya, paano sinasagot ng Panginoon ang ating mga daing? Ipinapadala niya ang kanyang Salita, ipinapaalala ang kanyang mga pangako. At sinasabi niya, “basta sundin mo ako. Magtiwala ka sa Salita ko sa iyo.” Hindi niya tinatanggap ang anumang dahilan, walang pabagu-bago ng isip, kahit na gaano kaimposible ang sitwasyon natin.

Huwag mo sana akong di-maunawaan. Ang ating Diyos ay mapagmahal na Ama. Hindi niya hinahayaan ang kanyang mga tao na magdusa ng walang katuturan, ng walang dahilan. Alam natin na nasa kanyang lahat ang kapangyarihan at kakayahan na maalis ang suliranin at kabiguan ng puso. Maari siyang bumigkas ng maiksing salita at tanggalin sa atin ang lahat ng pagsubok at paghihirap.

Gayunman, ang katunayan ay, hindi ipakikita ng Diyos sa atin kung paano o kailan niya tutuparin ang kanyang mga pangako sa atin. Bakit? Hindi niya kailangang magpaliwanag sa atin, kapag naibigay na niya ang kasagutan sa atin. Naibigay na niya ang lahat ng ating pangangailangan para sa habang-buhay at kabutihan galing sa kanyang Anak, na si JesuCristo. Siya lamang ang ating kailangan sa bawat sitwasyon na ibabato ng buhay sa atin. At paninindigan ng Diyos ang kanyang Salita na kanya ng naipahayag: “Nasa iyo ang Salita na abot-kamay mo lamang. Ang mga pangako ko sa iyo ay oo at amen para doon sa mga nananalig. Kaya, manalig ka sa aking Salita. Paniwalaan mo ito at sundin mo.”