Sabado, Abril 26, 2008

SI KRISTO ANG NAGHAHARI

Kadalasan ang mga tao ay nakikipag-ugnayan sa aming ministeryo at nagsasabi, “walang sinuman akong makausap, wala sinuman akong mabahagian ng aking mga pasanin, walang sinuman ang may panahon upang makinig ng aking mga daing. Nangangailangan ako ng taong maari kong pagbuhusan ng aking damdamin.”

Si Haring David ay pirmihang napaliligiran ng mga tao. Siya ay may asawa at maraming kasamahan sa paligid niya. Gayunman, naririnig natin ang katulad na daing mula sa kanya; “Kanino ako magtutungo?” Ito ay kalikasan na sa atin ang maghanap na ibang tao, may mukha, mga mata at tainga, upang makinig sa atin at mapagpayuhan tayo.

Nang si Job ay dinaig ng kanyang mga pagsubok, dumaing siya na may pagdadalamhati, “Paniwalaan sana ang aking sinasabi!” (Job 31:35). Binigkas niya ang daing na ito habang nakaupo sa harap ng mga ipinapalagay niyang mga kaibigan. Ang mga kaibigan niyang ito ay walang kahabagan sa kanyang mga kaguluhan; sa katunayan, sila ay mga tagapaghatid ng kawalan ng pag-asa.

Si Job ay lumingon sa Panginoon lamang: “Pagkat nasa langit ang sa akin ay sasaksi, na siyang magsasabing ako’y tunay na mabuti…Sa Diyos ko idudulog itong aking katayuan” (Job 16:19-20).

Hinikayat ni David ang mga tao ng Diyos na gawin din ang ganoon: magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak ang inyong pasaning ngayo’y dinaranas; Siya ang kublihang sa ati’y lulunas” (Awit 62:8).

Sasapit din, ang pagdurusa ay darating sa ating lahat, sa ngayon ang napakaraming mga banal ay nakakadena sa mga pagdurusa. Ang kanilang katayuan ay binaligtad ang kanilang kagalakan sa damdamin ng kahinaan at pagka-inutil. Marami ang nagtatanong na nagdurusa, “Bakit nangyayari sa akin ito? Galit ba ang Diyos sa akin? Ano ang nagawa kong mali? Bakit hindi niya tinutugon ang aking mga dalangin?

Sa aking puso naniniwala ako na ang salitang ito ay isang paanyaya sa inyo mula sa Banal na Espiritu na maghanap ng isang pansariling lugar na kung saan ay madalas mong maibubuhos ang iyong puso at kaluluwa sa Panginoon. Si David “ ay nagbuhos ng kanyang mga daing,” at ikaw man ay ganon din. Maari kang makipag-usap kay Hesus tungkol sa lahat ng bagay—ang iyong suliranin, ang iyong pangkasalukuyang pagsubok, ang iyong pananalapi, ang iyong kalusugan—at sabihin kung paano ka dinadaig ng mga ito, maging ang kasiraan ng iyong kalooban. Pakikinggan ka niya nang may pag-ibig at kahabagan, at hindi niya hahamakin ang iyong daing.

Tinugon ng Diyos si David. Tinugon niya si Job. At sa daan-daang taon tinugon niya ang mga daing ng puso ng lahat na nanalig sa kanyang mga pangako. Ipinangako niya na pakikinggan ka niya at gabayan ka. Ipinangako niya nang may panunumpa na siya ang iyong magiging lakas, kaya’t maari kang lumapit sa kanya at lumabas na napagbago.