“Kung ang mga umiibig sa inyo ang siya lamang ninyong iibigin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Hindi ba’t ginagawa rin ito ng mga publikano” (Mateo 5:46)?
Ang pagpapatawad ay hindi lamang minsanang ginagawa, kundi ito ay ipinamumuhay, nakalaan na madala tayo sa pagpapala ni Kristo. “Ngunit ito naman ang sabi ko: ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo’y maging tunay na anak ng inyong Amang nasa langit” (Mateo 5:44-45).
Ayon kay Hesus, ang pagpapatawad ay hindi isang bagay lamang na pipiliin ang ating patatawarin. Hindi natin maaring sabihin, “Masyado mo akong sinaktan, kaya’t hindi kita mapapatawad.” Sinabi ni Kristo sa atin, “Kung ang mga umiibig sa inyo ang siya lamang ninyong iibigin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Hindi ba’t ginagawa rin ito ng mga publikano?” (5:46).
Hindi mahalaga kung kanino tayo may sama ng loob. Kapag pinanghawakan natin ito, ito ay magdadala sa atin sa kasaklapan na lalason sa bawat bahagi ng ating mga buhay. Ang hindi pagpapatawad ay magdadala sa tagsalat, kahinaan, at kawalan ng pananalig, masasaktan hindi lamang tayo pati na ang mga nakapaligid sa atin.
Sa mahigit na limampung taon na nang aking ministeryo, nakita ko ang mga kakila-kilabot na pagkawasak sa mga buhay ng mga tao na ayaw magpatawad. Gayunman, nakita ko rin ang maluwalhating kapangyarihan ng mapagpatawad na espiritu. Ang pagpapatawad ay nakapagpapabago sa buhay, na nakakapagpabukas ng bintana ng langit. Pinupuno nito ang ating puswelo ng pagpapala hanggang mapuno ng masaganang kapayapaan, kagalakan at kapahingahan sa Banal na Espiritu. Ang mga pangaral ni Hesus sa paksang ito ay tahasan, at kung nais mong marating ang kahanga-hangang daigdig ng pagpapala, samakatuwid ay ingatan at yakapin ang kanyang mga Salita.
“Sapagkat kung pinapatawad ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. Ngunit kung hindi ninyo pinapatawad ang mga nagkakasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama” (Mateo 6:14-15). Huwag magkamali: Hindi nakikipagtawaran ang Diyos sa atin dito. Hindi niya sinasabi, “Sapagkat napatawad ninyo ang iba, ay patatawarin ko na rin kayo.” Hindi natin maaring makamit ang kapatawaran ng Diyos. Ang pagbubuhos lamang ng dugo ni Kristo ang may katampatang kapatawaran ng kasalanan.
Manapa’y sinasabi ni Kristo, “Ang buong pangungumpisal ng kasalanan ay nangangailangan na magpatawad sa iba. Kapag pinanghawakan mo ang anumang hindi pagpapatawad, samakatuwid ay hindi mo naikumpisal lahat nang iyong mga kasalanan. Ang tunay na pagsisisi ay nangangahulugan ng pangungumpisal at pagtalikod sa bawat sama ng loob, krusipikahin ang bawat bakas ng kasaklapan patungkol sa iba. Anumang kulang dito ay hindi tunay na pagsisisi.
Ito ay sama-sama sa kanyang beatipiko: “Mapalad ang mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos” (Mateo 5:7). Ang kanyang pinatutungkulan: Magpatawad sa iba upang ikaw ay makapasok sa pagpapala at kagalakan ng pagiging anak. Samakatuwid ang Diyos ay magbubuhos ng palatandaan ng kanyang pag-ibig. At kapag ikaw ay nagpatawad, ipinapahayag mo ang kalikasan ng Ama sa sanlibutan.