Biyernes, Abril 25, 2008

AKO AY MAKAPANGYARIHAN AT MAHABAGIN

“Tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at sinabi, ‘Nahahabag ako sa mga taong ito, sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila. at wala na silang makain. Hindi ko ibig na sila ay paalising gutom; baka sila mahilo sa daan” (Mateo 15:32).

Naniniwala ako na si Kristo ay may nais ipahayag dito sa kanyang mga alagad. Sinasabi niya, “Ako’y may gagawing higit pa para sa mga tao kaysa sa pagalingin lamang sila. Titiyakin ko na may sapat na tinapay para makain. Ako ay nababahala sa lahat ng bagay na may kinalaman sa kanilang mga buhay. Kailangan ninyong makita na ako ay higit pa sa kapangyarihan. Ako ay mahabagin din. Kapag nakita ninyo na ako ay nagpapagaling lamang, gumagawa ng himala, matatakot kayo sa akin. Ngunit kung makikita ninyo na ako ay mahabagin din, iibigin ninyo ako at pagtitiwalaan.”

Isinusulat ko ang pahatid na ito para sa lahat na nasa bingit na ng lubos na pagkapagod, malapit nang mahilo, dinadaig ng inyong kasalukuyang kalagayan. Ikaw ay isang matapat na tagapag-lingkod, nagpapakain sa iba, nagtitiwala na kayang gawin ng Diyos ang di-maaari para kanyang mga tao. Gayunman mayroon kang ilang matagal nang pagdududa tungkol sa kanyang pagkukusa na makialam sa inyong pagpapakahirap.

Aking iniisip kung ilang mga mangbabasa ng pahatid na ito ang bumigkas ng salita ng pananalig at umaasa para sa iba na humaharap sa mga masasakit, hayagang kawalan na ng pag-asang kalagayan? Hinikayat mo sila, “Kumapit ka! Kaya ng Panginoon. Siya ay Diyos na gumagawa ng mga himala, at ang kanyang mga pangako ay totoo. Kaya’t huwag mawalan ng pag-asa, sapagkat tutugunin niya ang iyong mga tangis.”

“Naniniwala ka ba talaga sa mga himala?” Iyan ang katanungan na itinanong ng Banal na Espiritu sa akin. Ang tugon ko ay, “Oo, talaga, Panginoon. Naniniwala ako sa bawat himala na nabasa ko sa Kasulatan.” Ngunit ang kasagutang ito ay hindi sapat. Ang katanungan ng Panginoon sa bawat isa sa atin ay, “Nananalig ka ba na makagagawa ako ng himala para sa iyo?” At hindi isang himala lamang, kundi isang himala sa bawat kagipitan, sa bawat kalagayan na hinaharap natin. Kailangan natin ng higit pa sa mga himala ng Lumang Tipan, mga himala ng BagongTipan, at mga nangyari nang mga himala sa kasaysayan. Kailangan natin ng pangkasalukuyan, pansariling himala na nakaguhit para sa atin lamang at ating mga kalagayan.

Mag-isip ka ng isang paghihirap na hinaharap mo sa ngayon, yaong mahigpit mong pangangailangan, yaong matindi mong suliranin. Matagal mo nang ipinapanalangin ang tungkol dito. Nananalig ka ba na kaya ng Panginoon at gagawin niya ito, sa paraang maaring di mo maisip? Ang uri ng pananalig na iyan ay mag-uutos sa puso na tigilan ang pagka-inip o magtanong ng mga katanungan. Sinasabi nito na mamahinga sa kalinga ng Ama, nananalig sa kanya na gagawin niya lahat ito ayon sa kanyang kalooban at panahon.