Biyernes, Setyembre 9, 2011

MAMUHAY SA BIYAYA NG DIYOS

Ipinangako ng Diyos ang mga kahanga-hangang biyaya sa mga mananampalatayang walang kapintasan. “Anak ko, ang aral ko ay huwag mong lilimutin…lahat ng aking utos sa isipan mo’y itanim upang araw mo’y tumagal, humaba ang iyong buhay, at maging masagana sa lahat ng kailangan. Pananalig at katapata’y huwag mong tatalikdan, ikuwintas sa iyong leeg at itanim sa isipan. Sa gayon, sa iyo ay malulugod itong Diyos” (Kawikaan 3:1-4). Sinasabi ng Diyos kapag itinuon mo ang iyong paningin sa paglalakad na walang kapintasan sa kanyang harapan, lalakad sa kanyang biyaya at magiging kaluguran sa Kanya.

Ngunit hindi iyon ang lahat. Kasama rin sa biyaya ng Diyos ang kapangyarihan! Sinabi ni Pablo, “Ang Mabuting Balita na lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi sa salita lamang. Ito’y may kapangyarihan at patotoo ng Espiritu Santo” (1 Tesalonica 1:5). Dala ng kanyang biyaya ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa lahat ng iyong sinasabi at ginagawa. Ang iyong salita ay hindi mababale-wala, sapagkat magkakaroon ito ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Sinabi ni Pablo na yaong mga pinalakas ng Espiritu Santo na mga salita ay magbubunga ng magagandang resulta: “Tinularan ninyo kami, at ang Panginoon. Tinanggap ninyo ang Mabuting Balita, at dahil dito’y nagdanas kayo ng katakut-takot na hirap. Gayunman, taglay pa rin ninyo ang kagalakang kaloob ng Espiritu Santo” (1:6).

Bakit lubos na makapangyarihan ang mga salita ni Pablo, lubos na mabisa? Sapagkat, sabi niya, “Pati ang balita tungkol sa inyong pananampalataya ay kumalat sa lahat ng dako” (t. 7). Hindi ang pangangaral ni Pablo o ang pananalangin niya ang nakahikayat sa mga tao na lumapit sa Panginoon. Ito ay ang kanyang ulirang pamumuhay! Natagpuan ng diyos kay Pablo ang malinis na puso—isang kanyang mabibiyayaan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo!

Ang banal na biyaya ng Diyos ay nagdala rin ng mataas na pagpapahalaga sa mga tao. Isinulat ni David: “Sa lahat ng tauhan ni Saul, siya ang nagkamit ng pinakamaraming tagumpay. Kaya, lalo siyang napatanyag” (1 Samuel 18:30).

Ang taong nag-iingat ng pangalan ni Jesus sa pamamagitan ng kabanalan sa harapan ng iba ay bibigyan ng mabuting pangalan sa harapan nila—ng Diyos mismo!

Sinasabi ng ibang Kristiyano, “Hindi mahalaga ang tungkol sa pangalan ko. Hindi mahalaga anuman ang iniisip ng ibang tao tungkol sa akin. Hindi ko nais na makilala pa ako ng iba, nais ko lamang na parang isang balewala lamang. Hayaan natin ang Panginoon ang magkaroon ng lahat ng kaluwalhatian.” maaring may himig itong mapagkumbaba ngunit ayon sa Kasulatan, “Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan kaysa pilak at ginto o anumang kayamanan” (Kawikaan 22:1). Binibigyan ng Diyos ang matuwid ng mabuting pangalan upang magamit nila ito para sa kaluwalhatian niya na may ganap na sukatan!