ANO ANG BUHAY NA WALANG KAPINTASAN?
Narito ang asal ng isang mananampalataya na walang kapintasan, ayon kay Apostol Pablo:
1. Ang maging walang kapintasan ay kailangang walang panlilinlang sa anumang uri. “Ang pangangaral nami’y hindi udyok ng kamalian, ng kahalayan o ng hangad na manlinlang” (1 Tesalonica 2:3). Ang isang walang kapintasang Kristiyano ay isang walang panlilinlang sa kanyang puso. Sinasabi ni Pablo, “Hindi ako mandaraya, nangangaral sa inyo ngunit iba ang ipinamumuhay. Ang aking pag-uugali ay isang bukas na aklat!”
2. Ang maging walang kapintasan ay ang huwag humipo sa mga bagay na marumi. “Ang pangangaral nami’y hindi udyok ng kamalian, ng kahalayan o ng hangad na manlinlang” (1 Tesalonica 2:3).
Ang idinidiin dito ni Pablo ay nauukol sa kahalayan ng lamán o sa mahalay na pita. Sinasabi niya, “Walang maduming salita ang lumabas sa aking bibig. Ang aking pakikipag-usap ay dalisay, nagmumula sa malinis na puso.” Nasa pangangasiwa ni Pablo ang kanyang katawan. Walang makalamang pagnanasa ang nagtutulak sa kanya—walang espiritu ng mahalay na pita o kahalayan ang naglalaro sa isipan niya. Siya ay isang malayang tao!
Ang isang mananampalataya na nagkukwento ng malaswang biro, nagpaparamdam ng kahalayan, o may matang nagmamasid ay isang taong ang puso ay hindi pa nalilinis! Sinabi ng Diyos, “Kung ikaw ay lalakad na walang kapintasan sa aking harapan, kailangang mayroon kang malinis na pandinig, malinis na puso at malinis na bibig!”
3. Ang maging walang kapintasan ay ang maging walang kamalian. “Ang pangangaral nami’y hindi udyok na manlinlang” (talatang 3).
Ang Kristiyano na walang kamalian o kapaimbabawan ay hindi nagmamarunong, maging tuso o nangungunahan. Wala siyang itinatagong balak at ganap na bukas at matapat. Sinabi ni Pablo, “Hindi ko kayo pinangunahan patungo sa kaharian ng Diyos o kaya’y gumamit ako ng mga tusong pananalita o paglaruan ang inyong damdamin. Tuwiran kong ipinahayag sa inyo ang mabuting balita!”
Si Pablo ay hindi kailanman gumamit ng mga malarong salita; hindi siya gumamit ng sikolohiya para magustuhan siya ng mga tao. Sinabi ni Pablo, “Naging magiliw kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa kanyang mga anak” (2:7). Ngunit ng pumasok ang kasalanan, sinaway niya ito ng malakas mula sa kalangitan! Hindi niya ninais o kinailangan ang pagsang-ayon ng kahit sinong tao, samantalang minahal niya ang mga tao ng taos sa kanyang puso. “Alam ng Diyos at alam din ninyo na sa aming pangangaral ay hindi kami gumamit ng pakunwaring papuri o mga salitang nagkukubli ng masakim na hangarin. Hindi kami naghangad ng papuri ninyo o ninuman” (mga talatang 5-6).
Si Pablo ay laging iniisip na ang Diyos ay nagmamasid sa kanya at minamanmanan ang kanyang mga motibo. “Lumayo siya sa lahat ng uri ng kasalanan” (1 Tesalonica 5:22) at namuhay na para bang si Jesus ay darating na sa loob ng oras na iyon!