Sinabi sa atin ni Mateo na nangusap si Jesus sa marami sa pamamagitan ng talinhaga: “Ang lahat ng ito ay sinabi ni Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga, at wala siyang itinuro sa kanila nang hindi sa pamamagitan ng talinhaga. Sa gayon, natupad ang sinabi ng propeta: "Magsasalita ako sa pamamagitan ng mga talinhaga, ihahayag ko ang mga bagay na nalilihim mula pa nang likhain ang daigdig" (Mateo 13:34-35).
Para sa maraming Kristiyano ngayon, ang mga talinhaga ay may pang-unawang simple lamang. Gayunman, ayon kay Cristo, ang bawat talinhaga ay may kaakibat na nakamamanghang lihim. Mayroong nakatagong, katunayang pangkaharian sa bawat talinhaga na ipinahayag ni Jesus. At ang lihim na iyan natuklasan lamang ng mga taimtim na nagsaliksik tungkol dito.
Maraming mananampalataya ay nagmamadaling daanan lamang ito sa kanilang pagbabasa. Ang akala nila ay nakabasa lamang sila ng pangkaraniwang aral at nagpapatuloy na. O kaya ay binabalewala na lamang nila ang kahulugan ng talinhaga at hindi nila ginagamit ito.
Maliwanag na ipinapahayag ng Bibliya na may mga lihim ang Panginoon: “Ang kanyang lihim ay nasa mga makatuwiran.” (Kawikaan 3:32). Ang mga lihim ay walang nakaalam mula pa ng nilikha ang daigdig, ngunit sinabi ni Mateo sa atin na ang mga ito ay nakabaon sa mga talinhaga ni Jesus. Ang mga nakatagong lihim na ito ay may kapangyarihan para tunay na mapalaya ang mga Kristiyano. Gayunman ilan lamang ang nakahandang magbayad ng malaking halaga upang matuklasan ang mga ito.
Isaalang-alang kasama ako ang isa sa mga talinhaga ng Panginoon.
“Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang negosyante na naghahanap ng mga mamahaling perlas. 46 Nang makakita siya ng isang perlas na napakahalaga, umuwi siya't ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon" (Mateo 13:45-46). Sino ang negosyante sa talinhagang ito? Ang ugat sa Griyego nito ay ipinapaliwanag na siya ay manlalakbay na malakihang mamimili. Ang negosyanyeng ito ay isa ring nagtatasada o nang-uuri. Sa madaling sabi, ang ikinabubuhay niya ay ang sukatin ang mga mamahaling perlas ayon sa kanilang mataas na uri at halaga.
Alam natin na si Jesus ay ang perlas na may mataas na halaga na natagpuan ng negosyante. Siya ay lubos na mamahalin, na walang katapat na halaga, sapagkat ipinagbili ng negosyante ang lahat ng kanyang ariarian para lamang makamit siya. Naniniwala ako na natuklasan natin ang kahulugan ng perlas sa walang hanggang layunin ng Diyos. Hindi na kailangang itanong, ang perlas ay pagmamay-ari ng Ama. Sa kanya si Cristo na katulad ng ibang ama na kanila rin ang kanilang sariling anak. Sa katunayan, si Jesus ang pinakamahalaga at pinakaiingatang pag-aari ng Ama. Isang bagay lamang ang maaring maging dahilan para ibigay niya ang walang katapat na halagang perlas na ito. Ginawa niya ito dahil sa pag-ibig.
Si Cristo ang kaban ng yaman sa kabukiran. At sa kanya, natagpuan ko na ang lahat ng aking kakailanganin. Hindi na kailangang hanapin pa ang layunin sa ministeryo. Hindi na kailangang pang hanapin ang kapunuan sa mga pamilya o sa mga kaibigan. Hindi na kailangang magtatag ng kahit ano para sa Diyos, o maging tagumpay, o para maging kagamit-gamit. Hindi na kailangang makibagay sa nakararami, o subukang magpatunay pa ng kahit ano. Hindi na kailangang maghanap pa ng ibang paraan para malugod ng mga tao. Hindi na kailangang subukang mag-isip pa o magdahilan pa para makalabas sa mga kagipitan.
Natagpuan ko na ang hinahanap ko. Ang aking kayamanan, ang aking perlas, ay si Cristo. At ang lahat lamang na hinihiling ng May-ari sa akin ay, “David, inibig kita. Hayaang mong ampunin kita. Nalagdaan ko na ang papeles sa pamamagitan ng dugo ng aking Anak. Ikaw ngayon ay kasama na niyang tagapagmana ng lahat ng aking ari-arian.”
Parang basta ibinigay na lamang. Isinusuko ko na ang aking maruming basahan ng pansariling kakayahan at mga mabuting gawa. Isinasantabi ko na ang aking sirang sapatos ng pagsusumikap. Iniwan ko ang mga gabing walang tulog sa daan ng pagdududa at pangamba. At bilang kapalit, ako ay inampon ng Hari. Ito ang mangyayari kapag hinanap mo ang perlas, ang kayamanan, hanggang sa matagpuan mo siya. Iniaalay ni Jesus ang lahat sa kanya. Dala-dala niya para sa iyo ang kagalakan, kapayapaan, layunin, kabanalan. At siya ay naging lahat para sa iyo—ang iyong pagbangon, ang iyong pagtulog, ang iyong umaga, hapon at gabi.