Biyernes, Hulyo 18, 2008

TIRA-TIRAHAN

Isang babae na may anak na babaeng mainisin ay nagpupumilit na hanapin si Hesus.Sa wakas, hinikayat ng mga disipulo ang kanilang panginoon, “Panginoon, itaboy mo siya, paalisin mo siya. Ayaw niya tayong tigilan. “Itala ang tugon ni Hesus sa pakiusap ng babae: “Ngunit gaputok ma’y di tumugon si Hesus” (Mateo 15:23). Mapapansin, binalewala ni Krsito ang buong katayuan. Bakit niya ginawa ito? Alam ni Hesus na ang kasaysayan ng babaeng ito ay ikukwento sa lahat ng padating na salinlahi, at nais niyang magpahayag ng katotohanan sa lahat ng makababasa nito. Kaya’t sinubok niya ang pananampalataya ng babae sa pagsasabi ng , “Sa mga tupang naliligaw ng sambahayan ng Israel lamang ako sinugo” (Mateo 15:23). Sinasabi ni Kristo, “Ako’y isinugo para sa kaligtasan ng mga Hudyo. Bakit ko sasayangin ang kanilang mabuting balita para sa mga Hentil?”

Ngayon ang pahayag na ito ay maaring magtaboy sa atin palayo, ngunit ang babae ay hindi natinag. Tanong ko sa inyo, gaano kadalas kayong sumusuko sa pananalangin? Gaano kadalas na kayo ay napagod at nangatuwiran “Hinanap ko ang Panginoon, nanalangin ako at humiling. Wala akong nakuhang anumang kasagutan “?

Isaalang-alang kung paano sumagot ang babae. Hindi siya sumagot na may reklamo, o may nag-aakusang daliri, sinasabi na, “Bakit mo ako itinatanggi Hesus?” Hindi, sinabi ng Kasulatan ang kabaliktaran: “Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod sa harapan at ang sabi, ‘Tulungan po ninyo ako. Panginoon’” (15:25).

Ang sumunod ay mahirap basahin. Muli, tumanggi si Hesus sa babae. Ngunit sa pagkakataong ito mas magaspang ang kanyang kasagutan. Sinabi niya sa babae, “Hindi dapat kunin ang mga pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga tuta” (15:26). Muli pa, sinubok niya ang babae.

Ngayon sumagot ang ina sa kanya, “Tunay nga po, Panginoon, tugon ng babae, ngunit ang mga tuta man ay nagsisikain ng mumong nalaglag sa hapag ng kanilang panginoon” (15:27) Isang di-kapani-paniwalang kasagutan, Ang determinadong babaeng ito ay hindi titigil sa kanyang paglapit kay Hesus. At siya ay pinuri ng Panginoon dahil dito. Kaya’t sinabi sa kanya ni Hesus, “napakalaki ng iyong pananalig! Mangyayari ang hinihiling mo. At noon di’y gumaling ang kanyang anak” (15:28).

Mga minamahal, hindi tayo dapat na makuntento na lamang sa mga tira-tirahan. Tayo ay pinangakuan ng lahat ng grasya at kahabagan na kailangan natin sa ating mga kagipitan. At ito ay kasama ang bawat kagipitan na kinasasangkutan ng ating mga pamilya, ligtas man o hindi. Tayo ay inanyayahan na magpakatatag na lumapit sa trono ni Kristo na may pananalig.