Ano ang naging batayan ng iyong pananalig? Ang Kasulatan ay nagsabi sa atin na ang pananalig ay nanggagaling sa pakikinig, at ang Salita ng Diyos ay binigyan tayo ng “espirituwal na pandinig,” upang makarinig tayo (tingnan ang Roma 10:17). Kaya, narito ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga karanasan sa ilang sa ating mga buhay:
• “Huwag mong tulutang ako ay maanod, dalhin sa malalim at baka malunod…Sa aking pagtawag ako sana’y dinggin, sa pagkahabag mo, ako ay lingapin…Ang iyong alipi’y h’wag mong pagkublihan, ib’san mo na ako sa bigat ng pasan” (Awit 69:15-17). Maliwanag na ang tubig ng kapighatian ay bumabaha sa buhay ng mga makadiyos.
• “O Diyos, sinubok mo ang iyong mga hirang, sinubok mo kami upang dumalisay; at tulad ng pilak kami’y idinarang. Iyong binayaang mahulog sa bitag, pinagdala mo kami ng mabigat…Sinubok mo kami sa apoy at baha, bago mo dinala sa dakong payapa” (66:10-12). Sino ang nagdala sa atin sa bitag ng kapighatian? Ang Diyos mismo ang nagdala.
• “Ang sariling dati-rati’y namumuhay ng baluktot, nang ako ay parusahan salita mo ang sinunod…Sa aki’y nakabuti ang parusang iyong dulot, pagkat aking naunawaang mahalaga ang iyong mga utos” (119:67, 71). … ang mga bersong ito ay nagbigay liwanag. Nakabuti ito para sa atin---ito ma’y pinagpala tayo---na mapighati.
Isa-alang-alang ang patotoo ng manunulat ng Awit: “Mahal ko ang Panginoon, pagkat ako’y dinirinig, dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik…Noong ako’y mahuhulog sa bingit ng kamatayan, nadarama ko ang tindi ng takot sa libingan; lipos ako ng pangamba at masidhing katakutan. Sa ganoong kalagayan, si Yahweh ang tinawag ko, at ako ay nagsumamo na iligtas niya ako” (Awit 116:1-4). Narito ang matapat na lingkod na umiibig sa Diyos at may dakilang pananalig. Gayunman humarap siya sa dalamhati ng kirot, kaguluhan at kamatayan.
Makikita natin ito sa kabuuan ng Bibliya. Ang Salita ng Diyos ay malakas na nagpapahayag na ang landas patungo sa pananalig ay sa pamamagitan ng baha at apoy: “Ang landas mong dinaraana’y malawak na karagatan, ang daan mong tinatahak ay dagat ng kalawakan” (Awit 77:19). “Narito, at masdan ang nagawa ko’y isang bagong bagay na hanggang ngayo’y di mo mamamasdan…ako’y magbubukas ng isang landasin sa gitna ng ilang” (Isaias 43:19). “Kapag ikaw ay daraan, sa karagatan, sasamahan kita; hindi ka madaraig ng mga suliranin. Dumaan ka man sa apoy, di ka maaano, hindi ka mabubuwal ng mabibigat na pagsubok” (43:2). “Ako si Yahweh na inyong Diyos at siyang nagpapalakas sa inyo, ako ang may sabing; huwag kayong matatakot at tutulungan ko kayo” (Isaias 41:13).
Ang huling bersong ito ay humahawak sa mahalagang susi: Sa bawat ilang na ating haharapin, hawak ng ating Ama ang ating mga kamay. Ngunit iyon lamang mga dumaraan sa ilang ang nakakahawak dito sa kamay ng kaaliwan. Iniaabot niya ito doon sa mga mga naiipit ng mga rumaragasang ilog ng kaguluhan.