Martes, Hulyo 15, 2008

ANG KAPANGYARIHAN NG ESPIRITU UPANG MAGLIGTAS

“Kami’y iniligtas niya noon sa tiyak na kamatayan at patuloy na inililigtas, at umaasang patuloy na ililigtas” (2 Corinto 1:10). Isang di-kapani-paniwalang pahayag! Sinasabi ni Pablo, “Iniligtas ako ng Espiritu sa kalagayang wala ng pag-asa. At inililigtas niya ako kahit ngayon. At patuloy niya akong ililigtas, sa lahat ng aking mga kagipitan.”

Ang pagtanggap sa Banal na Espiritu ay hindi patunay ng isang madamdaming pagpapakita lamang. (Gayunman naniniwala ako na mayroong pagpapakita ng Espiritu.) Ang sinasabi ko ay ang pagtanggap sa Espiritu sa pamamagitan ng patuloy na lumalagong kaalaman. Ang pagtanggap sa kanya ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng patuloy na lumalagong liwanag tungkol sa kapangyarihan niyang magligtas, ang pagdadala niya ng mga pasanin, ng kanyang probisyon.

Inulit ko ang mga salita ni Pedro: “Tinanggap natin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang mamuhay ng tapat sa Diyos. Ito’y dahil sa pagkakakilala kay Hesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan ng kanyang karangalan at kapangyarihan” (2 Pedro 1:3). Ayon kay Pedro, ang banal na kapangyarihan ng Espiritu ay hindi dumating bilang pagpapakita lamang. Una siyang dumating “sa pamamagitan ng kanyang karunungan na tumawag sa atin.

“Tayong lahat ay tumanggap mula sa kanya ng abut-abot na kaloob” (Juan 1:16). Higit pa roon, ang Banal na Espiritu ay hindi lubos na natanggap hanggang hindi natin lubos na ipinagkakaloob na siya na ang ganap na mangangalaga.

Hayaan ninyong magbigay ako ng huling halimbawa, upang maisalarawan ito. Sa Genesis 19, natagpuan natin na si Lot at ang pamilya niya sa labis na kagipitan. Ang paghuhusga ay malapit ng bumagsak sa kanilang lunsod, na Sodoma, kayat ipinadala ng Diyos ang kanyang mga anghel upang iligtas sila. Binuksan ni Lot ang kanyang pintuan sa mga tagapaghatid na ito, at sila ay pumasok sa kanyang tahanan. Mayroon silang kapangyarihan ng langit upang iligtas ang buong pamilyang ito. Ngunit ang mga anghel ay hindi tinanggap.

Sa huli ay, ipinagpilitan ng mga anghel ang kanilang kagustuhan kay Lot at sa pamilya niya, hila silang palabas ng Sodoma. Ang tunay na plano ng Diyos ay ang iligtas sila habang sila ay tumatakas. Pakakainin niya at dadamitan at pangangalagaan sila. Ngunit, ang alam nating lahat, ang maybahay ni Lot ay lumingon at namatay.

Ang mensahe ng mga anghel ay maliwanag: “Kung nais ninyong ang Diyos ang mangalaga, kung ganon ay inyong isuko ang renda. Kung tumitingin kayo sa kanya para sa kaligtasan, kailangang bitiwan na ninyo ang inyong mga plano at kusang pumapayag na susunod sa kanyang kalooban.” Sa madaling sabi, hindi ginagamit ng Banal na Espiritu ang kanyang kapangyarihan na iligtas ang mga nagdududa. Ang kawalan ng pananalig ang pumipigil sa kanya upang gawin ito. Kailangang kusa tayong pumapayag na baguhin niya ang mga bagay sa ating mga buhay, kung iyon ang piniling paraan ng Diyos upang mailigtas tayo.