Biyernes, Hulyo 23, 2010

PINAMAMAHALAAN NG SALITA NG DIYOS

Kapag si Kristo ay naghahari bilang pinakamataas na may kapangyarihan sa kanyang kaharian, at tayo ang kanyang mga tagasunod, kung ganon ang mga buhay natin ay dapat na pinamamahalaan niya. Ano talaga ang kahulugan para mapamahalaan ni Hesus?

Ayon sa diksiyonaryo, ang mamahala ay nangangahulugan na gumabay, na magbigay direksyon, makontrol ang bawat pagkilos at asal ng mga nasa ilalim ng kapangyarihan.” Sa madaling sabi, dapat hayaan si Hesus na mapamahalaan ang lahat ng pagkilos at pag-aasal natin, kasama na ang pag-iisip natin, salita at gawa.

Si Hesus din ang naghahari sa mga bansa ng sanlibutan. Sinabi ng BIbliya sa atin, “Siya’y naghaharing may kapangyarihan, at sa mga bansa’y pawang nagmamanman; h’wag nang magtatangkang sinuma’y lumaban “ (Awit 66:7). “Si Yahweh nga ang nagtayo ng trono sa kalangitan; mula doon, na nilikha’y maghaharing walang hanggan” (Awit 103:19).

Huwag magpaloko—ang ating bansa ay hindi pinamamahalaan ng Republikano o Demokratiko o nang sinumang makapangyarihang tao. Wala ito sa kontrol ng ‘Wall Street’ o ng malalaking negosyante. Walang makapangyarihan, nasa lupa o nasa sobrenatural, ang naghahari sa Amerika o sa iba mang nasyon. Ang Diyos lamang ang may kontrol. Naka-upo siyang Hari ng mga Hari, Panginoon ng mga Panginoon, namamahala at naghahari sa lahat ng kanyang nilikha mula sa kanyang trono sa langit.

Sa buong Amerika nakikita natin ang teribleng pagkawasak ng moralidad, ang pagdami ng mga kulto, laganap na paglihis ng sekswalidad, nagngangalit “sa pagmumukha mong” pagkawalang-Diyos. Ang ilang mga Kristiyano ay natatakot na ang mga kampon ng impiyerno ay unti-unting sumasakop sa ating bansa, nagtatatag ng kaharian ng kadiliman ni Satanas.

Hindi tayo dapat mag-alala. Tiniyak ni Isaias sa atin, “Winakasan na ni Yahweh ang pamamahala ng malupit na hari…Ikaw ay nahulog mula sa langit, tala sa umaga, Anak ng Bukang-liwayway! Bumagsak ka rin sa lupa, ikaw ang nagpasuko sa mga bansa!...Ngunit ano ano ang nangyari? Ano’t nahulog ka sa Sheol? Ano’t nalibing ka sa kalalimang walang hanggan? Pagmamasdan ka ng mga patay at kanilang itatanong: ‘Hindi ba ito ang nagpayanig sa lupa, ang nagpabagsak ng mga kaharian” (Isaias 14:5,12,15-16)?

Mga minamahal, ang ating Diyos ay hindi nababahala ni katiting man tungkol kay Satanas. Hindi siya nababalisa sa ating nakikita na makasalanang pagsakop ng ating bansa. Sa isang salita lamang galing sa bibig ng ating Panginoon, si Satanas ay maglalaho habang-buhay, pahihirapan ng walang-hanggan. Kung kaya’t, hindi tayo dapat matakot sa diyablo.

Hindi sa anumang kaharian ang Diyos ay naghahari bilang kataas-taasan at makapangyarihan katulad sa kanyang kaharian—yaong kanyang itinatatag sa mga puso ng kanyang mga tao.

Sinbi ni Hesus, “Sapagkat ang totoo’y nagsimula nang maghari ang Diyos sa puso ng mga nananalig sa kanya” (Lucas 17:21). At dito sa loob ng kahariang ito—sa kaharian ng ating mga puso—si Kristo ang naghaharing pinakamataas sa kanyang mga tao, gumagabay sa atin, pinapagaling tayo, pinamamahalaan ang ating mga pagkilos at pag-aasal.

“Malawak na kapangyarihan at walang katapusang kapayapaan” (Isaias 9:7). Ang talatang ito ay nagpapahayag ng walang katapusang paghahari ni Kristo ng walang hanggan. Gayunman ito ay mayroon ding mahalagang kahulugan: Kailangan nating palagiang palaguin ang ating pagpapahinuhod sa kapangyarihan ng ating Hari.

May katapatan mo bang masasabi na sa bawat araw, ang pamamahala ni Hesus sa iyo ay patuloy na lumalago? Dinadala mo ba ang iyong pag-aasal na patuloy na lumalago sa ilalim ng kanyang kapangyarihan?

Maaring mag-isip ka—Kung si Hesus ay nasa langit, namumuno nang may buong kapangyarihan sa kanang kamay ng Ama, paano niya nagagampanan ang kanyang pamamahala sa kanyang kaharian dito sa sanlibutan? Makikita natin ang kasagutan sa aklat ng Hebreo. Ang umakda ay nagsasabi sa atin na sa Lumang Tipan, nangusap ang Diyos sa kanyang mga tao sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit ngayon pinili ng Panginoon na mangusap sa pamamagitan ng kanyang Anak. (Tingan ang Hebreo 1:1-2).

Si Hesus ang malinaw na mensahe ng Diyos sa atin—ang banal na Salita na ginawang tao. Sa kasagutan, ipinadala ng Ama ang Espiritu Santo sa atin ngayon para paalalahanan tayo ng mga salita na sinabi Hesus sa atin habang nasa lupa. Kaya, si Hesus ay namahala sa atin sa pamamagitan ng nakasulat, ipinahayag na Salita ng Diyos. Ang Bibliya ay ang sentro ng namamahala sa atin, na kung saan ay ipinahayag ang kanyang Salita sa atin.

Kung nais mong marinig ang patotoo ng taong pinamahalaan ng Diyos sa pamamagitan ng nakasulat na Salita ng Diyos, makikita mo ito sa Awit 119:11, “Ang banal mong kautusa’y sa puso ko iingatan, upang hindi magkasala laban sa iyo magpakailanman” (tingnan din ang 105, 123, 133, 162).