Ang iba ay ligtas na ng marami ng taon, ang iba ay maaring isang taon pa lamang, ang iba ay maaring ilang buwan o ilang linggo pa lamang. Ang maligtas sa kasalanan ay kahanga-hanga! Ang dating gawi ay naglaho na—at ang lahat ay naging bago. Ako’y nagagalak kayo’y ligtas na!
Ngunit para maging isang mabuting kawal sa paglilingkod sa ating Panginoong Hesu-Kristo, ay hindi sapat ang maging ligtas lamang. Mayroong higit pa para sa iyo! Kailangang mabautismuhan ka sa Espiritu Santo!
Sa panahon ni Pablo, mayroong mga mananampalataya na hindi alam na mayroong Espiritu Santo. At tinanong niya “Tinanggap ba ninyo ang Espiritu Santo nang sumampalataya kayo?” “Hindi po,” tugon nila. “Ni hindi namin narinig na may Espiritu Santo” (Gawa 19:2). Ang mga taong ito ay ligtas, ngunit maliwanag na sila ay hindi nabautismuhan sa Espiritu Santo.
Naniniwala ako na tayo ay naligtas sa pamamagitan ng kapangyarihan at ministeryo ng Espiritu Santo. Ngunit sinasabi ng Banal na Kasulatan na ang dagdag pa dito ay, mayroon din bautismo, pagpupuspos, isang pagtanggap na ginagawa ng Espiritu Santo sa atin!
Maging si Hesus ay hindi ipinadala ang kanyang mga disipulo at tagasunod sa sanlibutan hanggang hindi sila nabautismuhan sa Espiritu Santo. Katunayan ang kanyang mga disipulo ay may dalisay na mga puso. Mayroon silang pananampalataya na magpagaling ng may sakit, na magpalayas ng mga diyablo. Mayroon sila ng Salita ng Diyos at datihan nang ipinangangaral si Kristo at umaani ng mga tumanggap. Sila ang mga saksi sa kanyang muling pagkabuhay. Ano pa ang maaring kakailanganin? Handa silang mamatay para kay Hesus! Hindi pa ba sapat ang kanilang pag-ibig sa kanya para maipadala sila sa sanlibutan upang gampanan ang kanyang gawain?
Mga minamahal, wala sa mga iyon ay sapat na! Maliwanag, mayroong kailangan pa. “Ngunit bibigyan kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espirtu Santo, at kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig” (Gawa 1:8).
Nais mo ba talaga ang Espiritu Santo? Nais mo bang bumaba siya sa iyo at bautismuhan ka sa apoy? Kailangang nahikayat ka na ito ay para sa iyo. Kailangan kang manggaling sa isang lugar na alam mong ikaw ay walang ibig sabihin, walang pagmamay-ari at walang magagawa kung wala ang kapangyarihan at patnubay ng Espiritu Santo.
Kailangan alam mo na patuloy siyang nagbabautismo, patuloy na bumaba sa mga mananampalataya—inaangkin ang kanilang mga katawan! “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo’y patawarin; at ipagkaloob sa inyo ang Espiritu Santo. Sapagkat ang pangako’y para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo—sa bawat tatawagin ng Panginooong Diyos” (Gawa 2:38-39).
Sa bawat oras ng isang araw, napakarami sa sanlibutan ay binabautismuhan sa Espiritu Santo! Nabasa nila ang ganitong pangako sa Bibliya o narinig ito sa pangangaral. Kaya’t sila’y tumangis, inaangkin ang pangako, at sila’y nabautismuhan!
Ang bautismo ay para doon sa mga nabubuhay sa huling araw. Ito ang gagawin ko sa mga huling araw, sabi ng Diyos, pagkakalooban ko ng aking Espiritu ang lahat ng tao…Sa mga araw na iyon ay pagkakalooban ko rin ng aking Espiritu” (Gawa 2:17-18). Siya ay para iyo ayon sa iyong kahilingan: Gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya” (Lucas 11:13),
Hangad ng Diyos na kayo ay mabuhay at maglakad kasama ang Espiritu. Hindi mo kailangan tumakbo para maghanap ng iba na maibigay ang kailangan ng isang tao. Kayo ay tinawag para mangusap ng Salita ng Diyos ayon sa pagkilos ng Espiritu sa inyo, at ilagay ang mga kamay sa mga may sakit at at magpalayas ng mga diyablo katulad ng ginawa ng mga apostol. Tayo ay tinawag bilang mga saksi na puspos ng Espiritu Santo at kapangyarihan!