Biyernes, Enero 23, 2009

SAAN KA NAKATAYO

Sa Exodo 33, hindi alam ni Moises ngunit siya’y dadalhin na ng Diyos sa mas dakilang pagpapahayag ng kanyang kaluwalhatian at kalikasan. Ang pahayag na ito ay higit pa sa pagiging magkaibigan, higit pa sa pagiging malapit sa isa’t isa. Ito ay pahayag na ibig ng Diyos na malaman ng lahat mga nasasaktang mga tao niya.

Sinabi ng Panginoon kay Moises na ipakikita niya sa kanya ang kanyang kaluwalhatian: “Makikita mo ang lahat ng aking katangian at sasabihin ko sa iyo ang aking pangalan: Yahweh” (Exodo 33:19). Pagkatapos ay sinabi niya, “…ngunit hindi mo maaring makita ang aking mukha sapagkat tiyak na mamatay ang sinumang makakita niyon. Dito sa tabi ko’y may matatayuan kang bato. Pagdaan ko, ipapasok kita sa isang siwang nito at tatakpan kita ng aking kamay” (33:20-22.”

Ang salitang Hebreo dito para sa kaluwalhatian sa talatang ito ay nangangahulugan ng “ng aking sarili.” Sinasabi ng Diyos kay Moises, “Ako mismo ay dadaan sa tabi mo.” Isang pagsasalin ay nagsasabi ng ganito: “Pagdaan ko, ipapasok kita sa isang siwang nito at tatakpan kita ng aking kamay.”

Ito ang ibig ipakahulugan ni apostol Pablo nang sinabi niya na tayo ay “nakatago kay Kristo.” Kapag binigo natin ang Diyos—kapag nagkasala tayo ng mabigat laban sa liwanag—hindi tayo dapat manatili sa ating pagkakabagsak na katayuan. Sa halip, kailangang mabilis tayong tumakbo kay Hesus, para maitago sa Bato. Isinulat ni Pablo, “Sa ating mga ninuno…at uminom din ng iisang inuming espirituwal, mula sa Batong espirituwal na sumubaybay sa kanila, at ang Batong iyon ay si Krsito” (1 Corinto 10:1,4).

Ano ang dakilang pahayag na ibinigay ng Diyos kay Moises tungkol sa sarili niya? Ang katotohanan tungkol sa kanya na dapat masantipikahan natin sa ating mga puso? Ito iyon:

“Sinabi ni Yahweh kay Moises…Bukas gumayak ka ng maaga at magpunta ka sa akin sa taluktok ng Bundok ng Sinai…Si Yahweh ay bumaba sa ulap, lumagay sa tabi ni Moises at binanggit ang kanyang pangalan: Yahweh. Si Yahweh ay nagdaan sa harapan ni Moises. Sinabi niya, ‘Akong si Yahweh ay mapagmahal at maawain. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako’y nananatiling tapat. Tinutupad ko ang aking pangako maging sa libu-libo, at patuloy kong ipinatawad ang kanilang kasamaan, pagsalangsang at pagkakasala” (Exodo 34:1,2 at 5-7).

Narito ang isang mas higit pang dakilang pahayag, ang kabuuan ng larawan kung sino talaga ang Diyos. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Magpunta ka sa akin sa bundok sa umaga. Bibigyan kita ng pag-asa na mag-iingat sa iyo. Ipakikita ko sa iyo ang puso ko na hindi mo pa nakita noon.” Ano ang “kaluwalhatian” na ipinakiusap ni Moises sa Panginoon?

Narito ang kaluwalhatian: isang Diyos na “mapagpatawad at mabait, matiisin at masagana sa kabutihan at katotohanan, nagbibigay ng kahabagan sa libu-libo, kinalilimutan ang mga pagkakasala, mga kaimbian at pagmamalabis at kasalanan, at iyon ay magpapatawad sa mga nagkasala.”

Si Kristo ang ganap na paglalarawan ng kaluwalhatiang iyon. Katunayan, ang lahat ng nasa Ama ay isinasakatawan ng Anak. At si Hesus ay isinugo sa sanlibutan para magdala ng kaluwalhatian sa atin.