Narinig mo na ang dalangin na may pananampalataya. Naniniwala ako na may katulad ang dalanging ito, dalangin na tumutukoy sa laman. Tinawag ko itong dalangin na walang pananalig.
Ibig kong magbigay ng katanungan sa iyo. Narinig mo na ba na sinabi ng Panginoon sa iyo, “Tumigil ka na sa pananalangin—tumayo ka sa pagkakaluhod mo”? Inutusan ka na ba ng Espiritu niya, “Huminto ka na sa pag-iyak, at punasan mo ang iyong mga luha. Bakit ka humaharap sa akin?”
Sinabi mismo ng Panginoon ang mga salitang ito kay Moises: ”Sinabi ni Yahweh kay Moises, Bakit mo ako tinatawag?” (Exodo 14:15). Ang literal na kahulugan ng talatang ito ay, “Bakit ka tumatangis sa akin? Bakit ang lakas ng pakikiusap mo sa aking mga tainga?”
Bakit sasabihin ng Diyos ito kay Moises? Narito ang isang makadiyos, mapanalangining lalaki, na nasa kagipitan ng kanyang buhay. Ang mga Isrelita ay tinutugis ng mga Paraoh, na walang tatakasan. Marahil maraming Kristiyano ay ganon din ang gagawin na katulad ni Moises. Nagtungo siya sa ilang na gilid ng bundok at nakipag-isa sa Panginoon. At doon ay ibinuhos niya ang puso niya sa pananalangin.
Nang marinig ng Diyos si Moises na tumatangis, sinabi niya sa kanya, “Tama na.” Hindi maliwanag sa Kasulatan ang mga sumunod na pangyayari. Ngunit sa puntong iyon ay maaring sinabi ng Diyos, “Wala kang karapatang magpakahirap sa harapan ko, Moises. Ang iyong pag-iyak ay isang kawalan ng paggalang sa aking katapatan. Naibigay ko na sa iyo ang aking taimtim na pangako ng kaligtasan. At mariin kong ipinag-utos sa iyo kung ano ang gagawin mo. Ngayon, huminto ka na sa pag-iyak.”
Habang humaharap tayo sa ating mga kagipitan, maari nating hikayatin ang ating mga sarili, “Ang manalangin ang pinakamahalagang bagay na maari kong gawin ngayon.” Ngunit may panahon na tatawagin tayo ng Diyos para kumilos, para sundin ang kanyang Salita sa pananamapalataya. Sa panahong iyon, hindi niya tayo hahayaang umatras sa ilang para manalangin. Iyan ay hindi pagsunod at anumang dalangin ay iniaalay ng walang pananalig.
Ang panalangin ng walang pananalig ay ipinalalagay lamang sa kabutihan ng Diyos. Binabalewala nito ang kabagsikan ng kanyang banal na mga paghuhusga. Isinulat ni Pablo, “Dito’y makikita natin ang kabutihan ng Diyos at kabagsikan niya” (Roma 11:22). Sinadyang tukuyin ng apostol dito ang kabutihan at kabagsikan niya na may parehong kahulugan. Sinasabi niya na ang isa ay hindi maaring ihiwalay sa isa.
Sa Lumang Tipan, pinahayag ito ni Isaias ng ganito: “Si Yahweh ay laging malakas upang iligtas ka, hindi s’ya bingi’t ang mga daing mo ay diringgin niya. Ngunit ang sala ang nagiging dahilan kaya di marinig ang dalangin mo, at siya ring dahilan sa paglalayo ninyo. Nagkasala kayo, natigmak sa dugo iyang mga kamay, at sa inyong labi ang namumutawi’y kasinungalingan” (Isaias 59:1-3).
Mga minamahal, ang Diyos ay hindi nagbago sa pagitan ng Lumang Tipan at ng Bago. Siya ay Diyos ng pag-ibig at kahabagan, na siyang tinutukoy ni Isaias. Ngunit kinamumuhian niya pa rin ang kasalanan sapagkat siya ay banal at makatarungan. Kaya niya sinabi sa Israel, “Hindi ko kayo naririnig dahil sa inyong mga kasalanan.”
Isa-alang-alang ang mga salita ng mang-aawit na si David: “No’ng ako’y balisa, ako ay dumaing, dumaing sa Diyos na dapat purihin; handa kong purihin ng mga awitin. Kung sa kasalana’y ako’y magtutuloy, di ako diringgin nitong Panginoon; ngunit tunay akong dininig ng Diyos, sa aking dalangin, ako ay sinagot. Purihin ang Diyos! Siya’y papurihan, yamang ang daing ko’y kanyang pinakinggan, at ang pag-ibig niya ay aking kinamtam” (Awit 66:17-20).
Sinasabi ng mang-aawit, “Nakita ko na may kasalanan sa aking puso, at inayawan kong mamuhay sa ganito. Kaya lumapit ako sa Panginoon para linisin. At narinig niya ang aking dalangin. Ngunit kung humawak ako sa aking kasalanan, hindi diringgin ng Diyos ang aking pagtangis.”